Muling nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa World Read Aloud Day (WRAD) nitong Pebrero 5, 2025, na ginanap sa Alapan I Elementary School, sa pangunguna ng City of Imus Public Library (CIPL). Pinangunahan ni Teacher Chiquito Malicdem ang pagbabasa ng kuwentong “Ang Pinakamagandang Sapatos” na nilimbag ni Danilo Niño Calalang sa humigit-kumulang 120 estudyanteng nasa ikaanim na baitang. Nagbigay rin ng payo si Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan sa mga estudyante at pinaalalahanan silang mag-aral nang mabuti para sa ikauunlad ng kanilang kinabukasan. Ang selebrasyon ng WRAD ngayong taon ay mas naging espesyal dahil sa ika-15 taong pagdiriwang nito. Nagsagawa ng mga palaro at namahagi rin ng mga papremyo ang CIPL. Ang WRAD ay bunga ng mungkahi ng LitWorld na nagtataguyod sa karunungang bumasa’t sumulat bilang pundasyon ng karapatang-pantao ng mga bata sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng mga kuwentong mula sa mga libro.