City of Imus

eBOSS 2025: Pagrehistro ng 13,515 negosyo sa Imus



January



Buong puwersang pinagserbisyuhan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang mga nagparehistro ng kanilang mga negosyo sa Electronic Business One-stop Shop (eBOSS) mula Enero 2–31, 2025, sa New Imus City Government Center.

Sinuri din ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang takbo ng operasyon sa eBOSS sa kaniyang pagbisita noong Enero 7. Kinumusta at pinasalamatan niya ang mga negosyanteng Imuseñong matiyagang naglakad ng kanilang mga permit.

Sa datos ng Office of the Business Permits and Licensing Officer, umabot sa 13,515 negosyo ang nagparehistro na kinabibilangan ng 535 bagong negosyo at 12,980 dati nang mga negosyo.

Napanatili ng Pamahalaang Lungsod ang tatlong hakbang na assessment, payment, at release sa pagproseso ng mga business permit.

Nakatulong din sa mga negosyante ang pagkuha ng kanilang permit online sapagkat hindi na nila kinailangan pang pumunta sa tanggapan upang magpasa ng mga kinakailangang dokumento at magbayad ng mga kinakailangang bayarin.

Para sa mga negosyanteng magrerehistro pa lamang ng kanilang mga negosyo, nananatiling bukas ang online eBOSS na egovcityofimus.ph/bpl/ at ang eBOSS center sa New Imus City Government Center, Brgy. Malagasang I-G. Bukas ito tuwing Lunes hanggang Biyernes mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon.

Matatagpuan naman ang kumpletong listahan ng mga kakailanganing dokumento sa official website ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na cityofimus.gov.ph/downloadable-forms.

Hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang pagrerehistro ng mga negosyo sa Imus upang maiwasan ang pagbabayad ng mga multa.