IMUS CITY GOVERNMENT CENTER — Sa pakikipagtulungan ng Imus City Health Office sa Rotary International District 3810, nakibahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa paggunita ng World Polio Day noong Oktubre 24, 2022. Pinangunahan nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula, District 3810 Governor Dr. Joyce Ambray, Department of Health (DOH) ASec. Enrique Tayag, at Representative Dr. Armida Camposagrado ang “Sabayang Patak Kontra Polio” kung saan binigyan ng bakuna ang 289 na batang Imuseño. Ang poliomyelitis, o polio, ay isang lubhang nakahahawang sakit na dulot ng poliovirus. Maaaring maparalisa o mamatay ang mga batang matatamaan nito. Walang lunas ang sakit na polio, kaya’t inirerekomenda ng mga eksperto na dapat ay makatanggap ang mga sanggol na mahigit tatlong buwang taong gulang ng polio vaccine. Mahalaga rin na mabakunahan ang mga batang wala pang bakuna bago tumuntong ng limang taong gulang. Matatandaang nagkaroon ng polio outbreak sa bansa taong 2019. Idineklerang polio free ang Pilipinas makalipas ang dalawang taon na pagbabakuna sa humigit-kumulang 11 milyong bata. Patuloy pa rin ang panawagan ng United Nations International Children’s Emergency Fund sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapaigting ng routine immunization, o regular na pagbabakuna sa mga bata, lalo na sa mga sanggol. Nakikiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa adhikaing mabigyan ng karampatang bakuna ang mga bata upang maprotektahan sila mula sa mga malubha at nakamamatay na sakit.