Pinuri, pinasalamatan, at isinabuhay ng humigit-kumulang 2,200 Kristiyanong Imuseño ang Salita ng Diyos sa pagdiriwang ng National Bible Month nitong Biyernes, Enero 31, 2025, sa City of Imus Sports Complex. Ibinahagi ng batikang aktres na si Amy Austria – Ventura ang mga biyayang kaniyang natanggap sa pananampalataya sa Diyos at sa relihiyosong pagbabasa ng Bibliya. Nakasama rin sa pagpupuri sa Panginoon sina Congressman AJ Advincula, Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Konsehal Dennis Lacson, Konsehal Igi Revilla Ocampo, Konsehal Enzo Asistio Ferrer, Konsehal Larry Nato, Konsehal Lloyd Jaro, Konsehal Mark Villanueva, Konsehal Sherwin Lares – Comia, dating konsehal Tito Monzon, at dating Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan Jr. Kinilala rin ng lokal na pamahalaan ang dedikasyon ng mga alagad ng Diyos sa pagpapalaganap ng Kaniyang banal na Salita. Pinangunahan ng Tanzang Luma Orchestra, ng Grace Revealed City Church, at ni Arnel De Pano ang pag-awit sa mga kantang nagpatibay pa sa pananampalataya ng mga Imuseño. Umindak naman sa tugtugin ang Imus City Government and Church Dancers, Imus Institute Batch ’86, at mga guro ng child development centers sa Imus. Nagtapos ang pagsamba sa pagdarasal na pinamunuan ni City Chaplain Ramil Ilano kasama ang Imus City Hall Choir. Hinikayat din ni Mayor AA ang kaniyang mga kapwa Kristiyano na iparamdam ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagtulong at pagmamalasakit sa kanilang kapwa.