Lumagablab ang pananabik ng mga balibolistang Imuseño sa pagbubukas ng Third Congressman AJ Cup Inter-cluster Volleyball Tournament nitong Enero 26, 2025, sa City of Imus Sports Complex. “Kaya tayo nagpapaliga ng volleyball dahil gusto nating mailayo ang mga kabataan sa droga at lumaki ang volleyball community,” saad ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula sa pormal na pagbubukas ng naturang paligsahan. Pinaalalahanan din niya ang mga manlalaro na mag-ingat at iwasang makipag-away para sa maayos na pagtatapos ng liga. Inanunsyo rin niya ang mga papremyong matatanggap ng mga koponang magwawagi: • P200,000 para sa kampeon • P100,000 para sa first runner-up • P75,000 para sa second runner-up • P50,000 para sa third runner-up; at • P20,000 para sa consolation prize. Samantala, ipinahayag ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula na ang mga manlalarong mapipiling irepresenta ang Imus sa iba pang mga paligsahan ay pagkakalooban ng scholarship upang maipagpatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral. “Gusto natin sa darating na panahon, kayong mga kabataan, kayo ang magkakaisa, tayo ay magtulong-tulong para maiayos at lalo nating mapaganda ang ating lungsod,” dagdag pa ng alkalde. Nagpasalamat naman si Cong. AJ sa mga taong bumubuo ng volleyball tournament. Ito ay sina Tournament Commissioner Joselyn del Rosario, Tournament Director Joey San Juan, mga opisyal ng laro mula sa Pilipinas Volleyball Association of Trainers Inc., Officer-in-Charge Jericho Reyes ng City Sports Development Unit, Office of the City Engineering, Office of the City Information Officer, Office of the City General Services Officer, at ang mga coach at manlalaro ng siyam na clusters. Bago magsimula ang mga palaro, nagkaroon ng ceremonial serving ang mga opisyal. Nilahukan ito nina Vice Governor Shernan Jaro, Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Board Member Ony Cantimbuhan, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Sherwin Lares Comia, Konsehal Igi Revilla Ocampo, Konsehal Dennis Lacson, dating konsehal Tito Monzon, at dating Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan Jr. Buong suporta rin ang ibinigay nina Cavite Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Chelsea Sarno at Imus SK Federation President Glian Ilagan. Sa pagtatapos ng unang araw ng liga, wagi na naiuwi ng mga Cluster 1, 2, at 6 sa women’s division ang kanilang mga panalo. Naging mainit naman ang labanan ng mga koponan sa men’s division, kung saan nanalo ang mga Cluster 1, 6, at 7. Iginawad naman sa Cluster 6 ang Best Delegation Award at ang P20,000 premyo dahil sa kanilang masigasig na pagbibigay-lakas sa kanilang mga kasama. Layon din nina Cong. AJ at Mayor AA na magkaisa ang mga Imuseño para sa patuloy na pag-angat ng Imus.