City of Imus

3rd Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament: Muling paghaharap ng mga koponan sa Imus



January 25



Opisyal nang binuksan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang Third Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament nitong Enero 25, 2025, sa City of Imus Sports Complex.

Ayon kay Cong. AJ, layon ng ligang ito ang mailayo ang mga kabataan mula sa masasamang bisyo. Kaya naman, nagbigay-abiso siya sa mga manlalaro na huwag pangunahan ng init ng ulo sa pakikipaglaro ng basketbol, bagkus pairalin ang pagkakaibigan, pagkakaisa, at sportsmanship.

Samantala, inilahad ng kongresista ang mga makukuhang papremyo ng mga koponang masusungkit ang mga sumusunod na puwesto:

• Champion – P200,000
• 2nd place – P150,000
• 3rd place – P100,000.

Makatatanggap naman ng consolation prize na P20,000 ang mga koponang hindi papalarin. Nagbabala rin si Cong. AJ na ang mga koponang masasangkot sa kahit anong uri ng hindi pagkakaunawaan ay hindi makatatanggap ng consolation prize.

Pinasalamatan din niya sina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Commissioner Kith Villavin, mga barangay captain at Sangguniang Kabataan (SK) Federation Chairpersons, SK Federation President Glian Ilagan, at Officer-in-charge Jericho Reyes ng City of Imus Sports and Development Unit.

Nakasama naman sa ceremonial toss sina Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Board Member Ony Cantimbuhan, Konsehal Lloyd Jaro, Konsehal Sherwin Lares Comia, Konsehal Dennis Lacson, Konsehal Igi Revilla Ocampo, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Mark Villanueva, dating konsehal Tito Monzon, at dating Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan Jr.

Ginanap din ang harapan ng mga pinakamagagandang dilag mula sa 20 koponan para sa Battle of Muse, kung saan hinirang na Best Muse ang pambato ng Carsadang Bago II na nakatanggap ng P20,000 papremyo.

Bago ang ganap na pagsisimula ng paligsahan, hiniling ni Mayor AA sa mga manlalaro na magkaisa at magkakilanlan dahil walang ibang tutulong sa mga Imuseño kung ‘di ang kapwa nila mga Imuseño.

Nagtapos ang pagbubukas ng basketball tournament sa pagkamit ng unang mga panalo ng Malagasang I at Bucandala.

Ang Ikatlong Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament ay isa sa mga CONGkretong AJenda ni Cong. AJ, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus.