Tanglaw sa Paskong Imuseño: Taon ng Pasasalamat at Tagumpay Matagumpay na ipinagdiwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang maningning at makulay na Kapaskuhan ngayong taon sa pamamagitan ng mga aktibidad na nagpatingkad sa Pasko ng mga Imuseño. Ceremonial Switching of Giant Christmas Tree and City Plaza Décor Naging hudyat ng pagsisimula ng Kapaskuhan sa Imus ang pagpapailaw sa makukulay at kumukuti-kutitap na mga palamuti at higanteng Christmas tree sa Imus City Plaza noong Disyembre 1, 2024. Magkakasamang sinalubong ang diwa ng Pasko nina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Vice Governor Shernan Jaro, Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Cavite Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Chelsea Sarno, Konsehal Dennis Lacson, Konsehal Mark Villanueva, Konsehal Yen Saquilayan, Konsehal Igi Revilla Ocampo, Konsehal Sherwin Lares Comia, Konsehal Enzo Asistio, Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Atty. Wency Lara, Konsehal Larry Nato, Liga ng mga Barangay (LNB) President Reymundo “RR” Ramirez, Imus SK Federation President Glian Ilagan, dating konsehal Tito Monzon, at dating LNB President AJ Sapitan Jr. Natunghayan din dito ang pagtatanghal ng talento ng mga artistahing Imuseño, gayon din ang ganap na pagbubukas ng ImuSarap at Saya Bazaar. Agaw-pansin din ang mga kakaibang disensyo ng traffic lights sa mga kalye sa Imus na gumabay sa maayos na daloy ng trapiko sa buong buwan ng Disyembre. Tanglaw sa Paskong Imuseño Christmas Concert Napuno ang City of Imus Grandstand and Track Oval ng mga ngiti at himig ng 50,000 Imuseño sa pinakaaabangang “Tanglaw sa Paskong Imuseño Christmas Concert” ng Pamahalaang Lungsod ng Imus noong Disyembre 14, 2024. Sinabayan ng mga Imuseño ang pag-awit ng bokalista ng “Ang Huling El Bimbo” na si Ely Buendia, ang energetic performance ni Asia’s Soul Supreme KZ Tandingan, at ang panghaharana ng breakthrough artist ng P-Pop na si Maki sa kaniyang kantang “Dilaw.” Nagpakitang-gilas din sa kanilang pagtatanghal ang rap duo na Juan&Kyle sa kanilang kantang “Marikit sa Dilim,” content creator na si Kween Yasmin na tubong Cavite, at ang Fidelity Band at ang rising artist na si Angela Ken na mula rin sa Imus. Ang Tanglaw sa Paskong Imuseño Christmas Concert ay bahagi ng taunang selebrasyon ng Kapaskuhan ng Lungsod ng Imus. Layunin nitong hikayatin ang positibong pagtitipon sa komunidad sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kahanga-hangang Original Pilipino Music. Tampok din sa gabing ito ang mga paboritong pagkaing Pilipino at iba pang mga aktibidad na handog ng lokal na pamahalaan. Isang maagang pagbati ng Kapaskuhan ang ipinabatid nina Cong. AJ, Mayor AA, at ng buong Team AJAA. Libreng Kakanin sa Simbang Gabi, handog nina Cong. AJ at Mayor AA Muling naghandog sina Cong. AJ at Mayor AA ng libreng kakanin sa mga Imuseñong Katoliko nitong Disyembre 16, 2024, kasabay ng pagsisimula ng Simbang Gabi. Ipinagkaloob ang mga libreng bibingka at puto bumbong araw-araw pagkatapos ng alas-kwatro y medya ng umaga na Misa de Aguinaldo sa Katedral ng Imus, Brgy. Poblacion III-A, Saint Martha Parish Church, Brgy. Malagasang II-A, at Immaculate Heart of Mary Parish Bucandala, habang nakatanggap naman ng kakanin ang mga dumalo sa alas-kwatro ng umaga na misa sa St. James the Greater Parish, Brgy. Buhay na Tubig. Ang Libreng Kakanin sa Simbang Gabi ay handog din ng Team AJAA. Christmas Timba para sa lahat Bukod sa musika at mga kakanin, inihatid din ng lokal na pamahalaan ng Imus ang Christmas Timba sa mga tahanan ng mga Imuseño na sinimulang ipamahagi nitong Disyembre 18, 2024. Nanguna sa ceremonial distribution sina Cong. AJ, Vice Governor Shernan Jaro, Mayor AA, Vice Mayor Saki, mga konsehal, dating konsehal Tito Monzon, at dating Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan Jr. ImuSaya sa Biyaheng AJAA: PamasCong Handog para kina Manong TODA Dalisay na mga ngiti at tuwa ang nakapinta sa mga mukha ng humigit-kumulang 8,000 miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa maagang pamasCong handog ng Pamahalaang Lungsod nitong Disyembre 20–21, 2024, sa pamamagitan ng programang ImuSaya sa Biyaheng AJAA: PamasCong Handog para kina Manong TODA. Naghandog din ng iba’t ibang palaro, raffle draw, at regalo sina Cong. AJ, Vice Governor Shernan Jaro, Mayor AA, Board Member Ony Cantimbuhan, mga konsehal, dating konsehal Tito Monzon, at dating Liga ng mga Barangay President AJ Sapitan Jr. kina manong TODA. Para sa administrasyong Advincula, ang pagkakaisa at pagbibigayan ang dapat mangibabaw tuwing Kapaskuhan.