Pinangunahan ng Imus City Tourism and Heritage Office ang pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ng 13 Martir ng Imus na matatagpuan sa City of Imus Plaza nitong Disyembre 17, 2024, bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo mula nang ialay nila ang kanilang mga sarili taong 1944. Ang 13 martir ay nagmula sa mga prominenteng pamilya sa Imus na kinabibilangan nina Col. Fidel Narciso Cruz, Mayor Elpidio Ilano Osteria Sr., MD, Dr. Andres Virata Dominguez, Dr. Modesto Topacio Mascardo, Dr. Lazaro Ramos Ilano, at Dr. Jose Ramirez Sapinoso, kung saan ang kanilang mga labi ay hindi na natagpuan pa, habang ang mga labi naman nina Benigno Rementilla Manela, Reynaldo Crisostomo Buenaventura, Jose Ramos Ramirez, Mauricio Topacio Reyes, Alfredo Ramirez Reyes, Modesto Sarao Virata, at Gregorio Ramirez Rodriguez ay natagpuan sa Dasmariñas, Cavite. Ang mga nasabing martir ay pinaniniwalaang kasapi ng United States Army Forces in the Far East (USAFFE). Nadakip noong Disyembre 16, 1944 ang anim sa mga martir pagkatapos ng Simbang Gabi sa Simbahan ng Imus. Ang pito naman sa mga martir ay pinuntahan sa kani-kanilang mga tahanan.