IMUS, Cavite — Bilang pakikiisa sa World Rabies Day at World Animal Day, nagsagawa ang Imus City Veterinary Services Office ng isang Veterinary Medical Mission noong Oktubre 19, 2022 sa covered court ng Brgy. Anabu II-A. Kaagapay ang Biyaya Animal Care at United Doctors Veterinary Hospital, 304 na aso at pusa ang kinapon. Nakatanggap naman ng microchip ang 96, ng deworming ang 113, at ng anti-rabies vaccine ang 259 na alagang hayop. Kasama rin sa programa sina Konsehal Totie Ropeta, Punong Barangay JB Atanacio, City Administrator Jeffrey Purisima, at ang Yufiya Pet Heaven na naghandog ng mga regalo para sa mga alagang hayop. Matatandaan na nagkaroon ng one-day registration noong Oktubre 12 bago ang aktuwal na pagbibigay-serbisyo ng City Vet. Kasabay ng paggunita sa World Animal Day noong Oktubre 4, naghatid ang tanggapan ng libreng anti-rabies vaccine at microchipping sa 52 aso at pusa sa Immaculate Heart of Mary Parish, Brgy. Bucandala IV. Bukas ang tanggapan ng City Vet mula Lunes hanggang Biyernes, 08:00 ng umaga hanggang 05:00 ng hapon sa City of Imus Animal Impounding and Healthcare Center, Eco Village, Imus Blvd., Brgy. Malagasang I-G. Hangad ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang mas ligtas na Imus para sa mga aso at pusa.