Pinaigting ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kampanya laban sa dengue sa pamamagitan ng pamamahagi ng mosquito repellant sa mga paaralan sa Imus na sinimulan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula noong Disyembre 10, 2024, sa Gov. Camerino Integrated School. Naghatid din ang lokal na pamahalaan ng insecticide-treated nets at isinagawa rin ang regular na residual spraying at misting sa mga pampublikong paaralan. Matatandaang nagsagawa ang lokal na pamahalaan ng cleanup drive sa mga barangay sa Imus, kasabay ng pag-inspeksyon sa mga lugar na maaaring pamugaran ng mga lamok. Ang dengue ay isang virus na nakukuha mula sa kagat ng lamok na mayroong Aedes Aegypti virus. Malimit itong mangagat tuwing umaga at hapon, may mga puting guhit sa katawan at paa, at nangingitlog sa malinis at hindi umaagos na tubig. Karaniwang sintomas ng mga taong may dengue ang lagnat o mataas na temperatura ng katawan, trangkaso, at pagkahilo, pagsusuka, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng ilalim ng mga mata, pananakit ng mga kalamnan at kasu-kasuan, pagkakaroon ng mga kulani at pamamantal, pagdurugo ng ilong o gilagid, at dugo sa dumi. Inaabisuhan naman ng pamahalaan ang publiko na mag-5S: Search and destroy mosquito-breeding sites, seek immediate consultation sa oras na makaranas ng mga nabanggit na sintomas, say “no” to indiscriminate fogging o ang paggamit ng spray na hindi pumupuksa sa mga itlog at kitikiti ng dengue, self-protection measures sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga mahahabang damit, light-colored na damit, at pagpahid ng mosquito repellant, at sustain hydration sa pamamagitan ng pag-inom ng sapat na tubig upang maiwasan ang dehydration. Sa sama-samang pagkilos at pakikiisa ay nakasisigurong mapipigil ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng mga magkakasakit dulot ng dengue.