IMUS, Cavite — Nakiisa ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa International Day for Disaster Risk Reduction (IDDRR) nitong Oktubre 13, 2022 sa tulong ng iba’t ibang Aksyon Agad Centers (AAC) sa Imus. Namahagi ang CDRRMO Main Office ng disinfection machines sa mga piling tanggapan ng pamahalaan, at ang Anabu AAC sa ilang pampublikong paaralan. Flyers ukol sa disaster preparedness naman ang ipinamigay ng Bucandala Operations Center, Anabu AAC, at Malagasang AAC sa SM Center Imus, Imus National High School, Bucandala Talipapa, City Mall Anabu, Plaridel Logistic Hub, at Green Gate Subdivision. Isang feeding program din ang isinagawa ng Espeleta AAC sa Kapatiran Village, Brgy. Pasong Buaya II. Idinaraos ang IDDRR tuwing Oktubre 13 upang kilalanin ang mga ginawang hakbang para sa mas handang pamayanan mula sa mga sakuna sa lahat ng oras. Ngayong taon, ang tema ng IDDRR ay nakasentro sa Target G ng Sendai Framework: isang layunin na magkaroon ng karagdagang Multi-hazard Early Warning Systems at Disaster Risk Information and Assessment sa publiko para sa taong 2030. Sinisiguro naman ng administrasyong Advincula ang pagpapalakas at pagpapatibay sa disaster risk preparedness ng Pamahalaang Lungsod ng Imus.