City of Imus

Imus LGU nakiisa sa World AIDS Day



December 2



Ilang mga aktibidad ang isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus nitong Disyembre 2, 2024, sa pakikibahagi nito sa World AIDS Day 2024 na may temang, “Take the rights path: My health, my right!”

Una nang isinagawa ng Imus Office of the City Health Officer ang World AIDS Day Seminar sa Function Hall, New Imus City Government Center bilang isa sa mga tugon sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng sexually transmitted infections (STI) sa mga kabataan.

Ibinahagi ni City Health Officer Dr. Ferdinand Mina sa humigit-kumulang 200 kabataang Imuseño, kasama na ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation at mga estudyante, ang kasalukuyang bilang at lagay ng STI, lalo na ang AIDS, sa Imus.

Tinalakay rin niya kung paano sila makaiiwas mula rito, gayon din ang kahalagahan ng paggamit ng contraceptives.

Dinaluhan din ito ni SK Federation President Glian Piolo Ilagan na pinaalalahanan ang mga kabataan sa responsibilidad na kaakibat ng unsafe sex at early pregnancy.

Sa parehong araw din namahagi ang tanggapan ng grocery package sa 50 indigent patients na mayroong HIV.

Ang World AIDS Day ay ginugunita tuwing Disyembre 1 upang malinang sa publiko ang kaalaman tungkol sa panganib na dulot ng sakit na AIDS at HIV nang sa gayon ay maitama ang mga maling impormasyon kaugnay nito, at mabigyang linaw kung paano matutulungan ang mga taong nakararanas ng nasabing sakit.

Libre din ang HIV screening test at ilang contraceptive sa mga health center sa Imus.