Imus LGU, nakiisa sa 18-day Campaign to End VAW Matagumpay na isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang 18-day Campaign to End Violence Against Women (VAW) sa pagdaraos ng serye ng mga aktibidad mula noong Disyembre 2–12, 2024, sa pangunguna ng Gender and Development (GAD) Unit. Men as Allies: Uniting for a Violence-Free Tomorrow Sa layuning mahikayat ang mga kalalakihan na maging kaisa sa laban kontra pang-aabuso, idinaos ang seminar na “Men as Allies: Uniting for a Violence-Free Tomorrow” noong Disyembre 2, 2024, sa City of Imus Youth Center, Imus Pilot Elementary School. Ipinaliwanag ni Prof. King David Agreda ang mahalagang papel ng mga kalalakihan upang mahikayat ang kanilang kapwa lalaki na matuldukan na ang anumang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan. Tinalakay rin niya ang masamang epekto ng traditional gender norms at toxic masculinity, ang mga puno't dulo ng pang-aabuso, ang kahalagahan ng pagtataguyod ng pantay-pantay na pagtingin sa anumang kasarian sa sistemang patriyarkal, at ang kahalagahan ng respeto sa isang relasyon upang hindi humantong sa pang-aabuso. Agapay sa mga Kababaihan: Libreng Legal na Konsultasyon Laban sa Karahasan Sa pakikipagtulungan ng Imus City Social Welfare and Development Office sa Imus City Legal Office, ginanap ang “Agapay sa mga Kababaihan: Libreng Legal na Konsultasyon Laban sa Karahanasan” noong Disyembre 5, 2024, sa New Imus City Government Center. Ibinahagi ng mga abogado ng City Legal Office ang mga batas na nagpoprotekta sa mga kababaihan mula sa iba’t ibang uri ng karahasan. Cine Juana film showing Sabay-sabay na tinuklas ng 421 Imuseño ang ”The Adventure of Kween Jhonabelle” ni Carlo James Buan sa dalawang araw na film showing nito sa Cine Juana, sa pakikipagtulungan sa EdukSine, noong Disyembre 4 at 11, 2024, sa CityMall Anabu Cinema. Nakasama rin dito ang co-founder ng EdukSine, ang kauna-unahan at natatanging block screening streaming platform sa bansa, na si Leonilo Magno at ang bida ng pelikula na si Lariz Eco na nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap sa kuwento ni Jhonabelle. Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na sa pamamagitan nito ay mabigyan ng inspirasyon at kapangyarihan ang mga kababaihan na hindi nasusukat ang lakas ng isang tao sa kanilang kasarian, ang bawat isa ay may karapatang maprotektahan at mabuhay nang malaya, at walang sino man, lalo na ang mga kababaihan, ang makaranas ng anumang uri ng pang-aabuso. Bridging Gaps: Designing Gender-Harmonious Language in Public Service Sa pagtatapos ng 18-day Campaign to End Violence Against Women (VAW), idinaos ang Bridging Gaps: Designing Gender-Harmonious Language in Public Service noong Huwebes, Disyembre 12, 2024, sa City of Imus Youth Center. Tinalakay ni Prof. King David Agreda mula sa Philippine Commission on Women sa 46 na GAD focal persons ang mga pamamaraan upang maging gender-neutral ang mga ginagamit na salita sa pakikipag-ugnayan sa publiko, higit sa mga opisyal na dokumento na inilalabas ng lokal na pamahalaan. Kabilang na rito ang pagtukoy sa gendered terms na kalimitang ginagamit, pagbibigay ng mga suhestyon kapalit ng mga natukoy na gendered term, at pagsigurong maayos itong maiimplementa. Ang 18-day Campaign to End VAW ay taunang isinasagawa mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12 na layong mawakasan ang mga pang-aabusong nararanasan ng mga kababaihan sa araw-araw. Tema ng kampanya ngayong taon ang “VAW Bigyang Wakas, Ngayon na ang Oras!” kasabay ng ika-20 anibersaryo mula nang maisabatas ang Batas Republika Blg. 9262, o ang “Anti-VAWC Act of 2004.”