City of Imus

18-day Campaign to End VAW 2024 inilunsad ng Imus LGU



November 25



18-day Campaign to End VAW 2024 inilunsad ng Imus LGU

Buong puwersa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang nagpahayag ng suporta sa unang araw ng 18-day Campaign to End Violence Against Women (VAW) sa pagsusuot ng mga lingkod bayan ng kasuotang kulay kahel nitong Nobyembre 25, 2024.

The Orange Exhibit: Journey toward a VAW-Free Philippines

Sa parehong araw pinasinayaan ng City of Imus Gender and Development (GAD) Unit ang The Orange Exhibit: Journey toward a VAW-Free Philippines na matatagpuan sa CityMall Anabu. Tampok sa naturang exhibit ang mga hakbanging isinagawa ng pamahalaan sa loob ng 20 taon para sa pagsusulong na mawakasan ang ano mang uri ng pang-aabuso sa mga kababaihan. Layon din nitong mapukaw pa ang kaalaman ng publiko ukol sa iba’t ibang pang-aabuso at karahasang kinakaharap ng mga kababaihan sa araw-araw. Pinasinayaan nina Officer-in-Charge Larry Monzon ng Office of the City Administrator, dating konsehal Tito Monzon, VAW and their Children Desk Officers Association President Susan Mabbatung, at Officer-in-Charge Doris Sagenes ng GAD Unit ang The Orange Exhibit. Mananatili ito sa CityMall Anabu hanggang Disyembre 12, 2024.

Gender Equality 101: Gender-inclusive curriculum and instructions

Upang malinang ang gender inclusivity o pagiging bukas sa ano mang kasarian sa mga paaralan sa Imus, idinaos ang dalawang araw na “Gender Equality 101: Gender-inclusive Curriculum and Instructions” – Capability Enhancement Workshop for Educators noong Nobyembre 27–28, 2024, sa HR Training Room, New Imus City Government Center. Ibinahagi nina Prof. King David Agreda at Prof. Arlene Llanto-Estrada sa humigit-kumulang 50 guro ang kahalagahan ng paghubog ng gender-equal, gender-inclusive, at gender-sensitive na lugar ng pagkatuto at mga praktikal na pamamaraan kung paano ito maisasama sa kanilang pagtuturo at maging sa mga aktibidad sa klase. Naniniwala rin ang Pamahalaang Lungsod ng Imus na sa mga paaralan at silid-aralan dapat nagsisimula ang paghubog sa kamalayan ng mga bata sa gender equality.

Spoken Word Poetry Contest

Pakikiisa sa laban kontra pang-aabuso sa mga kababaihan ang naging panawagan ng mga makatang Imuseño sa idinaos na Spoken Word Poetry Contest "Mga Tinig ng Pag-asa: Tula ng Laban para sa Karapatan ng Kababaihan" nitong Nobyembre 29, 2024, sa The District Mall Activity Area. Mula sa 33 entry, 10 ang napiling finalist para sa youth at adult categories ng mga performance poet judge na sina Audrey Joy Salvador, Kido Levister, at Mai Escoto na nagtanghal din ng kanilang mga tulang alay sa mga kababaihang nakararanas ng anumang uri ng pang-aabuso. Hinirang na first place winner si Neil John Luna sa kaniyang tulang pinamagatang “Pag-ibig ni Andres at Maria" sa adult category. Sinundan naman ito nina Gianne Louise Leaño Joson at Michael Angelo Ramirez na nagtanghal ng kanilang mga tulang "Bilang Isang Babae" at "Babae ang Una." Para naman sa youth category, wagi si Jeric Guitas na makuha ang unang puwesto sa kaniyang pagtatanghal ng tulang "Lumabas sa Eskinita, May Naririnig Ka Ba?" Iginawad naman kay Jalen "EROS" Senal ang ikalawang puwesto sa kaniyang tulang "Liham ng Isang Putahe" at ang ikatlong puwesto kay Rosalinda Torres sa kaniyang tulang "Salba Bida." Nag-uwi ng P20,000 ang mga nanguna sa naturang paligsahan, P15,000 para sa mga pumangalawa, at P10,000 para sa mga pumangatlo. Samantala, pinarangalan sina Lorelie Albaran ng youth category at Gianne Louise Leaño Joson ng special award na Best Artistic Expression at tig-P5,000 para sa kanilang masining na pagtatanghal. Nakatanggap naman ng P3,000 consolation prize ang mga nasa ikaapat at ikalimang puwesto. Taunang ginugunita ang 18-day Campaign to End VAW mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 12 na layong mawakasan ang mga pang-aabusong nararanasan ng mga kababaihan sa araw-araw. Tema ng kampanya ngayong taon ang “VAW Bigyang Wakas, Ngayon na ang Oras!” kasabay ng ika-20 anibersaryo mula nang maisabatas ang Batas Republika Blg. 9262, o ang “Anti-VAWC Act of 2004.”