IMUS CITY PLAZA—Laro, kanta, sayaw, at saya ang alay ng mga Imuseño sa pagdiriwang ng ika-227 Kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar, patrona ng Diyosesis ng Imus, noong Oktubre 11 at 12, 2022. Kilala bilang Nana Pilar, inumpisahan ang paggunita sa pamamagitan ng pagdaraos sa taunang Karakol ng Bayan sa bisperas ng kapistahan. Dito, nag-alay ng sayaw ang mga deboto bilang pasasalamat at panata sa patrona sa pangunguna ng Diyosesang Dambana at Parokya ng Nuestra Señora del Pilar. Ngayon taon, nakiisa sina City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” Advincula sa pagbuhat ng andas mula Katedral ng Imus. Pinatibay rin nina Konsehal Totie Ropeta at Konsehal Enzo Asistio-Ferrer ang kanilang panata kay Nana Pilar sa pagsama sa karakol. Bahagi rin ng pagdiriwang ang inihandang Variety Show ng City Tourism and Development Office (CTDO) na dinaluhan nina Kinatawan AJ Advincula, Konsehal Jelyn Maliksi, Konsehal Darwin Remulla, at City Administrator Jeffrey Purisima. Tampok sa naturang variety show ang mga palarong nilahukan ng mga Imuseño, ang pagsasayaw ng Reckless PH (award-winning hiphop group), ang pagtatanghal ni Dan-Dan (isang stand-up comedian), at ang pagsabak ng mga mang-aawit sa Karaoke Challenge. Mula sa 20 kalahok na tinanggap ang hamon ng karaoke machine, nakuha ni Kaziah Mae Feliciano ang kampeonato. Sinundan naman siya nina Jane Marie Herman, Nubilyn Morota, Mary Rose Valdez, at Alfred Lee Santiaguel na nakakuha rin ng mga pagkilala. Nagdaos naman ng mga banal na misa at ng isang maringal na prusisyon ang Diyosesis sa mismong araw ng dakilang kapistahan. Taon-taon, ginugunita ng mga Imuseño ang Kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar bilang pasasalamat sa mga biyayang ipinagkakaloob niya—isang tradisyong mahigit dalawang siglo nang ipinagpapatuloy sa Imus.