City of Imus

Kauna-unahang byahe ng P2P bus mula Imus hanggang NAIA umarangkada na sa Cavite



November 18



Matagumpay na inilunsad ng UBE Express, sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Imus at The District Imus, ang kauna-unahang premium na point-to-point (P2P) bus service mula Imus patungo sa lahat ng terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong Nobyembre 18, 2024, sa The District Imus, Barangay Anabu II-D.

Pinangunahan nina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Lina Group of Companies Chairman Alberto Lina, UBE Express President Garrie David, at AyalaLand Malls, Inc. Transportation Terminal Senior Associate Manager Ivan Bautista ang naturang paglulunsad.

Dumalo rin sa okasyon sina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Arnell Ignacio, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region IV-A Regional Director Loumer Bernabe, Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, at mga konsehal ng lungsod.

Naghandog ang lokal na pamahalaan ng libreng sakay sa unang 50 pasahero, at magpapatuloy ang libreng sakay mula Nobyembre 19–24, 2024, sa tulong naman ng Team AJAA.

Mula Nobyembre 25 naman, ipatutupad na ang P300 pamasahe, habang P150 para sa overseas Filipino workers.