City of Imus

Ika-apat na anibersaryo ng Ospital ng Imus, ipinagdiwang!



October 10-14, 2022



OSPITAL NG IMUS — Pangangalaga sa kalusugan ang inihandog ng Ospital ng Imus (ONI) mula Oktubre 10 – 14, 2022 sa ika-apat na taon mula nang ito ay magbukas sa publiko.

Nagsimula ang linggo sa hatid na diskwento sa piling laboratory services—50 porsyentong diskwento sa Chem 10 Package (FBS, BUN, Crea, Uric Acid, Lipid Profile, SGOT, at SGPT) ang nakuha ng 50 pasyente, at 10 porsyentong diskwento naman sa CBC, Urinalysis, at Fecalysis.

Iba’t ibang programa rin ang isinagawa ng ONI sa pangunguna ng Infection Prevention and Control Unit. Sa pakikipagtulungan nito sa Imus Reproductive and Wellness Center, ginanap ang libreng HIV Counselling and Testing, kung saan nakibahagi ang 70 katao.

Inimbitahan naman ng Public Health Unit ang humigit-kumulang 20 residente mula sa Brgy. Malagasang I-G para magbigay impormasyon sa mga panganib na maaaring idulot ng dengue at mga paraan kung paano makaiiwas dito.

Nakatanggap din ang mga dumalo ng dalawang kilo ng bigas, mga bitamina, at hand hygiene kits na naglalaman ng alkohol at sabon.

Kasabay ng paggunita sa Global Handwashing Day noong Oktubre 15, idinaos ang isang seminar na layong magbigay kaalaman sa kahalagahan ng paghuhugas ng kamay, bilang isa sa mga susi upang makaiwas sa mga sakit.

Para naman sa karagdagang proteksyon ng healthcare workers, tumanggap ng Hepatitis B Vaccine ang 150 empleyado ng ONI.

Tinitiyak ng ONI ang patuloy na pagpapabuti sa mga serbisyo na kanilang ibinibigay sa mga Imuseño, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula.