Sa isinagawang kick-off ceremony ng 2025 Dry Season Seed Distribution nitong Nobyembre 5, 2024, ng Department of Agriculture (DA) – PhilRice, katuwang ang Imus City Agriculture Services Office, tinatayang nasa 600 sako o 12,000 kilong binhi ng palay ang matatanggap ng mga magsasakang Imuseño. Pinangunahan ang seremonya nina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula at Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Program Coordinator Jacqueline Lee Canilao ng DA – PhilRice. Bahagi rin ng programa sina Konsehal Totie Ropeta bilang tagapangulo ng Komite ng Agrikultura, Kabuhayan, at Repormang Pansakahan, Konsehal Enzo Asistio, Regional Coordinator at Provincial Coordinator Marc Lapitan, RCEF – Rice Extension Services Program (RESP) Communication Focal Person Rhea Malapaswa, Vice Chairperson Irma Corpuz ng City Agriculture and Fishery Council, at City Agriculturist Robert Marges. Una nang naibigay ang 154 na sako sa 35 magsasaka. Nakatakda namang ipamahagi ang natitirang 446 na sako sa mga susunod na buwan.