City of Imus

Ika-125 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Gov. Dominador M. Camerino, ipinagdiwang



November 5



Ginunita ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang ika-125 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Gobernador Dominador M. Camerino noong Nobyembre 4, 2024, sa Old Imus Municipal Building.

Nanguna ang Imus City Tourism and Heritage Office sa mapitagang pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng dating gobernador, katuwang ang Philippine National Police – Imus at si Pastor Conrado Perez ng Imus City Chaplain na nanguna sa panalangin.

Nakasama rin sa pag-alaala ng naging kontribusyon ni Gov. Camerino sina Vice Governor Shernan Jaro, Maria Fatima Manimtim bilang kinatawan ni Provincial Tourism Officer Rozelle S. Sangalang, Sangguniang Kabataan Federation President Glian Ilagan, dating konsehal Tito Monzon, at Acting City Tourism Officer Dr. Jun Paredes.

Pinangunahan naman ng mga inapo ni Gov. Camerino na sina Dr. Myrna Ramos-Fajardo at dating konsehal Alberto Camerino ang paggunita sa naging papel niya sa kanilang mga buhay.

Dinaluhan din ito ng Cavite Historical Society, Imus Historical Society, Department of Education – Imus, Gov. D.M. Camerino School, at mga opisyal ng Brgy. Medicion I-D.

Isinilang si Gobernador Dominador Monzon Camerino noong Nobyembre 1, 1899, sa Barrio Kaytobong na dating bahagi ng Imus at ngayon ay parte na ng Dasmariñas, Cavite.

Nagsimula siyang manilbihan sa bayan noong 1928. Nahalal bilang alkalde ng Bayan ng Imus mula 1931–1940 at noong 1946–1967. Ilang ulit din siyang naglingkod bilang gobernador ng Lalawigan ng Cavite mula 1944–1945, 1946–1954, at 1972 hanggang sa kaniyang kamatayan noong Hulyo 25, 1979.

Hindi matatawaran ang legasiyang iniwan ni Gov. Camerino sa Imus at sa kalakhang probinsya ng Cavite. Sa kaniyang termino bilang alkalde naitayo ang kauna-unahang bahay pamahalaan at ang pamilihang bayan. Kilala rin siya bilang “Gob. Tango” dahil tinugunan niya sa abot ng kaniyang makakaya ang pangangailangan ng mga Kabitenyo.