City of Imus

32nd National Children’s Month para sa mas ligtas na Pilipinas sa mga bata



November



Matagumpay ang naging pagdiriwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Pambansang Buwan ng mga Bata 2024 ngayong Nobyembre na may temang “Break the Prevalence, End the Violence: Protecting Children, Creating a Safe Philippines!” sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programa at ng Local Council for the Protection of Children (LCPC), sa pamumuno ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula.

Nag-umpisa ang mga serye ng aktibidad ng Pamahalaang Lungsod sa pagbigkas ng Panatang Makabata sa lingguhang pagtataas ng watawat ng Pilipinas noong Nobyembre 4.

Kuwentuhan na sa Plaza . . . Mga Bata, Tara na!

Magiliw na nakilahok ang 158 batang Imuseño sa ginanap na Kuwentuhan na sa Plaza . . . Mga Bata Tara Na! noong Nobyembre 6.

Isinalaysay ni dating Konsehal Jeff Asistio ang mga kadahilanan ng “Ang Sakim na Aparador” ni Yellowbelle Dauqui at iginuhit ni Luisito Chua sa hindi pagpapagamit ng mga plato at kubyertos sa handaan ng isang pamilya.

Nakatanggap din ang mga bata ng Kiddie Meal mula sa panauhing tagapagkuwento, habang iginawad ng City of Imus Public Library (CIPL) ang mga laruan sa mga batang masigasig na nakilahok. Nakipagkuwentuhan din sa kanila sina Konsehal Enzo Asistio at Konsehal Darwin Remulla.

Book Character Costume Competition — My Favorite Book Character: Dressing Up and Acting Out Year 4

Sa ikaapat na taon ng Book Character Costume Competition ng CIPL, mas nabigyan ng pagkakataon ang mga batang Imuseño na maipakita ang kanilang talento sa pag-arte at paggawa ng masining na kasuotan nitong Nobyembre 7 sa Gov. D.M. Camerino Integrated School.

Wagi ang mga mag-aaral ng Malagasang II Elementary School na sina Riezhyar Kate Justiniani na nag-ala Langgam mula sa kuwentong ‘The Ant and the Dove’ at Marc Vhenjie Padernal na nag-ala Uwak mula sa istoryang ‘The Thirsty Crow’ na makuha ang unang puwesto sa Category one at two.

Nakuha nina Jackylyn Malvar ng Gen. Emilio Aguinaldo National High School ang first place matapos mag-ala Sisa na hango sa kuwentong ‘Noli Me Tangere.’ Habang hinirang din si Jean Vollerie Boyles ng Maranatha Christian Academy of Imus bilang first place sa kaniyang pagtatanghal sa karakter na Musa mula sa ‘Alamat ng Bahaghari.’ Ang first place winners ay nakatanggap ng cash prize na P5,000 at P6,000.

Inihandog naman sa second place winners ang P4,000 at P5,000 na kinabibilangan nina Jodimiel Katniscesca Canada, Jaden Josh Bobias, Joeiana Altheaia Canada, at Krishna Athena Cruz.

Samantalang, P3,000 at P4,000 ang premyong natanggap ng third place winners na sina Axxel Marianel Sendon, Ethan Joaquin Puno, Arwen Elijah Camahalan, at Rodel Anthony Andaya.

Best in Costume naman sina Candice Atria Canlas bilang Queen of Hearts, Yunni Angelo Espiritu bilang Professor Albus, Joryca Angeline Cabanting bilang Sarimanok, at Chlouie Ellyz Peña Garcia bilang Ibong Adarna na nag-uwi ng P2,000.

Nakatanggap din ang mga kalahok ng P500 consolation prize.

Buong suporta ang ibinigay nina Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, dating Konsehal Tito Monzon, LCPC member Rico Regala, Feliz Tayag bilang kinatawan ni Schools Division Superintendent Dr. Homer Mendoza, Principal Jess Bergado ng Gov. D.M. Camerino Integrated School, at Principal Marilyn Alegro ng Estanislao Villanueva Elementary School sa 64 na batang Imuseño.

Taunang isinasagawa ng CIPL ang Book Character Costume Competition — My Favorite Book Character: Dressing Up and Acting Out para mahikayat ang mga Imuseñong malinang ang kanilang talento sa pagsasadula sa murang edad pa lamang.

Mga Bata sa Barangay . . . Kuwentuhan Na!

Inihatid ng CIPL ang kuwentong may aral sa 56 na batang naninirahan sa Brgy. Anabu II-F nitong Nobyembre 9 sa “Mga Bata sa Barangay . . . Kwentuhan na!”

Isinalaysay ni Kuya Jonas Bruan ang istoryang “Ang Parusa ng Duwende” sa panulat ni Severino Reyes at iginuhit ni Elbert Or.

EK Youth Summit: Financial Literacy

Idinaos ang taunang Eskwela Kooperatiba (EK) Youth Summit: Financial Literacy ng City of Imus Cooperative, Livelihood and Entrepreneurial and Enterprise Development Office (CICLEDO) noong Nobyembre 15 sa Function Hall, New Imus City Government Center.

Sa pangunguna ni Hazel Ramirez, naibahagi sa 374 na elementary at high school students kung paano ang matalinong pag-iimpok at paggastos ng pera, gayon din ang wastong paggamit ng pananalapi sa pamamagitan ng budgeting at investing.

Sa pamamagitan nito, naituturo sa mga bata ang halaga ng pera at kung bakit hindi dapat ito basta-basta ginagastos.

Nangumusta rin sina Imus City Vice Mayor Homer Saquilayan at Officer-in-Charge Larry Monzon ng Office of the City Administrator bilang kinatawan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula.

kAKAbilib! SPED Festival of Talents: A Celebration of Exceptional Gifts!

Nakakabilib na mga talento ang natunghayan nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Sangguniang Kabataan Federation President Glian Ilagan sa idinaos na “kAKAbilib! Special Education (SPED) Festival of Talents: A Celebration of Exceptional Gifts!” noong Nobyembre 19 sa Function Hall, New Imus City Government Center sa pangunguna ng Persons with Disability Affairs Office (PDAO).

Ipinakita ng 160 SPED learners ang kanilang natatanging talento sa masining na pagtatanghal.

Pinatutunayan ng kAKAbilib! SPED Festival of Talents na hindi hadlang ang kapansanan ng mga bata sa paghubog ng kanilang mga talento.

Kiddie-lympic 2024

Idinaos ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang taunang Kiddie-lympic nitong Nobyembre 19–20 sa Hamilton Homes Subd., Brgy. Bucandala III.

Lumahok ang 1,320 day care learners sa mga aktibidad na flag, buri hat, at straw relays, folk dance, at field demonstration.

Wagi ang Mary Cris Child Development Center na makamit ang kampeonato para sa folk dance, habang hinirang na kampeon ang Pinagbuklod Child Development Center sa field demonstration.

Nasungkit naman ang unang puwesto ng Cluster I at VI-A sa flag relay, ng Cluster I at VII sa buri hat relay, at ng Cluster IX-B at II sa straw relay.

Nakisaya rin sa mga bata sina Konsehal Igi Revilla Ocampo, Konsehal Mark Villanueva, CSWDO Head Josephine Villanueva, at LCPC Focal Person Jericho Reyes.

Wash and Grooming Day

Pinangunahan ng Imus City Health Office ang Wash and Grooming Day para sa mga indigent na batang Imuseño noong Nobyembre 20–Nobyembre 21 na ginanap sa City of Imus Youth Center.

Sa tulong ng mga healthcare worker at medical officer, naituro sa mga bata ang tamang paghuhugas ng kanilang mga kamay, paliligo, at pagsisipilyo ng mga ngipin.

Nakatanggap din ang mga ito ng hygiene kit at fluoride application.

Layon ng nasabing aktibidad na maituro sa mga bata ang kahalagahan ng pagpapanatili ng kalinisan ng kanilang mga katawan upang makaiwas sa mga sakit.

Experiential Learning Tour ng mga mag-aaral ng M7 Philippine Cambridge International School

Naging bahagi ng isang experiential learning tour ang 46 na nursery hanggang grade 2 students ng M7 Philippine Cambridge International School sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Imus noong Nobyembre 21, sa pangunguna ng Imus City Tourism and Heritage Office.

Malugod silang sinalubong nina Congressman AJ Advincula at Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa kanilang pagbisita sa New Imus City Government Center.

Binisita rin ng mga mag-aaral ang Old Imus City Hall Building, City Health Office IV, Juan Munti Park, Bureau of Fire Protection Imus, City Disaster Risk Reduction and Management Office Command Center, at Philippine National Police Imus.

Layon ng nasabing tour na maipakilala sa mga bata ang mga tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Imus.

Library Orientation, Tour, and Film Viewing

Ipinakilala ng mga librarian ng CIPL sa 131 mag-aaral at guro ng Imus National High School (INHS) ang pampublikong aklatan nito na matatagpuan sa New Imus City Government Center noong Nobyembre 22.

Maaaring magamit dito ang 50-seater reading area, children’s room, computer room, special o training room, at Im CORA (Imus City Online Reference Assistance).

Bukod pa rito ay mayroon itong mahigit 8,000 mga aklat, libreng wifi connection, libreng kape, at libreng library ID.

State of the Children Address 2024

Inilahad ni Konsehal Yen Saquilayan — Committee Chairperson on Social Services, Family, Women, Children, and Elderly — ang mga napagtagumpayan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa nakalipas na taon para sa ikaaangat ng buhay ng mga batang Imuseño nitong Nobyembre 25 na ginanap sa Function Hall, New Imus City Government Center.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ng konsehal ang kahalagahan ng pagtutulungan at ang papel na ginagampanan ng pamahalaan para masiguro ang wastong paglaki ng mga bata.

Natunghayan din ang inihandang audio-visual presentation ng LCPC, sa pakikipagtulungan sa City Information Office, na nagpapatunay sa suporta ng pamahalaan sa apat na aspeto ng buhay ng mga bata: ang child survival, development, protection, at participation.

Nagbigay rin ng isang espesyal na mensahe si Officer-in-Charge Larry Monzon ng Office of the City Administrator bilang kinatawan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, habang nagpahayag din ng pagsuporta si City Local Government Operations Officer Joseph Ryan Geronimo.

Nagpahayag din ng suporta sina Vice Governor Shernan Jaro, Konsehal Darwin, Remulla, Sangguniang Kabataan Federation President Glian Ilagan, child development workers, mga opisyal ng barangay, mga guro at estudyante, barangay health workers, miyembro ng LCPC, at Provincial Council for the Protection of Children sa kanilang pagdalo sa naturang programa.

Araw ng Pagbasa

Sa pamamagitan ng programang “Magbasa. Mangarap. Magdiwang sa Ating Pampublikong Aklatan,” ginunita ng CIPL ang Pambansang Buwan ng Pagbasa, 90th National Book Week, at ang Araw ng Pagbasa nitong Nobyembre 27.

Pinangunahan ni City Librarian Rosena Roman ang pagbabasa ng iba’t ibang aklat ng humigit-kumulang 80 mag-aaral ng Alapan I at II Elementary Schools.

Ayon sa Department of Education, ipinagdiriwang ang National Reading Month tuwing Nobyembre, ang National Book Week tuwing Nobyembre 25 hanggang 29, at ang Araw ng Pagbasa tuwing Nobyembre 27.

Ang Pambansang Buwan ng mga Bata ay taunang ipinagdiriwang tuwing Nobyembre, alinsunod sa Batas Republika Blg. 10661, o “National Children’s Month Act.”