Matagumpay na ipinagdiwang ng Ospital ng Imus (ONI) ang ikaanim na anibersaryo mula nang ito ay itinatag mula Oktubre 1–31, 2024. Personal na binati nina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, at mga konsehal ang mga health worker ng Ospital ng Imus sa pagdiriwang nito ng ikaanim na anibersaryo noong Oktubre 11, 2024. Sa parehong araw, ginawaran ang 54 na kawani ng ONI dahil sa kanilang hindi matatawarang paglilingkod sa mga Imuseño. Nagkaroon din ng isang fun run na layong mahikayat ang mga kawani na pangalagaan ang kanilang kalusugan. Handog din ng ONI ang hanggang 70 porsyentong diskwento sa kanilang laboratory packages sa buong buwan ng Oktubre. Bukod pa rito ay iba’t ibang aktibidad ang kanilang idinaos. Ilan sa mga ito ay ang usapin patungkol sa wastong pangangalaga ng mga mata kasabay sa paggunita ng World Sight Day, Breast Cancer Awareness Lay Forum, paggawa ng Imus longganisa, at ang pagtampok sa siyam na food bazaars. Ganap na binuksan ang ONI noong Oktubre 12, 2018, kasabay ng pagdiriwang ng Kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar — ang patrona ng Diyosesis ng Imus.