City of Imus

Imus LGU Top 1 sa ARTA Report Card Survey 2.0



October 30



Ginawaran ang Pamahalaang Lungsod ng Imus ng Silver Award ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) noong Oktubre 30, 2024, matapos makakuha ng 94.05% score na may katumbas na Very Satisfactory Rating sa Report Card Survey (RCS) 2.0 ng nasabing ahensya. Nanguna rin ang Pamahalaang Lungsod mula sa walong local government units (LGUs) na nakatanggap ng Very Satisfactory Rating at sa 200 LGUs sa buong bansa. Sinusukat ng RCS ang epektibong pagsunod at bilis ng pagproseso ng mga transaksyon at serbisyong ibinibigay ng mga ahensya ng gobyerno, alinsunod sa kani-kanilang ipinasang citizen’s charter. Bukod sa maayos na pamumuno nina Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, bahagi rin ng tagumpay na ito ang City Administrator’s Office, Business Permits and Licensing Office, Office of the Building Official, City Treasurer’s Office, City Planning and Development Office, Office of the City Assessor, City Information Technology and Records Management Unit, at Imus Bureau of Fire Protection. Patunay ito sa maayos at mahusay na pagsunod ng lokal na pamahalaan ng Imus sa Batas Republika Blg. 11032, o “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.”