City of Imus

Imus Cooperative Week 2024: Mas matibay na kooperatiba para sa magandang bukas



October 28



Matagumpay ang pagdiriwang ng Imus Cooperative Week 2024 at ng National Cooperative Month nitong Oktubre 28, 2024, sa New Imus City Government Center, na pinangunahan ng City of Imus Cooperative, Livelihood & Entrepreneurial and Enterprise Development Office (CICLEDO).

Nag-umpisa ang selebrasyon sa 2024 Coop Unity Walk, kung saan nakasama ang humigit-kumulang 140 miyembro ng mga kooperatiba.

Sinundan ito ng Imus Koop-Mustahan, kung saan nakasama ng mga miyembro si Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula na kinumusta rin ang kalagayan at samahan ng mga kooperatiba sa lungsod.

Nagsagawa rin ang CICLEDO ng iba’t ibang aktibidad gaya ng Micro, Small and Medium-sized Enterprises Seminar para sa mga inmate ng Imus City Jail noong Oktubre 22.

Sa tulong ni Alicia Banas, natutunan ng 40 inmate kung paano sila wais na makapamimili at wastong makapagtuturing ng presyo ng mga paninda at serbisyo kung sakaling magsimula sila ng negosyo paglabas sa piitan.

Hinikayat naman ng tanggapan na maging kaakibat ang mga kooperatiba sa pagprotekta sa mga kababaihan sa idinaos nitong Gender and Development Seminar: Laws on the Protection of Women noong Oktubre 14.

Pinangunahan nina Prosecutor II Atty. Rex Sustento at Prosecutor I Atty. Rhina May Sayarot – Elicano ng City of Imus – Office of the Prosecutor ang mga nilalaman ng iba’t ibang batas para sa proteksyon ng mga kababaihan.

Samantala, inilapit sa mga residente ng Treelane II-A, Brgy. Bayan Luma III ang kaalaman sa paggawa ng mahalimuyak na kandila noong Oktubre 11 sa pangunguna ni Rachel Roxas.

Nakatakdang idaos ang taunang Imus Galing Koop Awards and Recognition Day sa Nobyembre 4, 2024, upang parangalan ang mga kooperatibang nagpakita ng kanilang kagalingan sa pagtatapos ng Coop Month.

Ginugunita ang Pambansang Buwan ng Kooperatiba tuwing Oktubre, batay sa Batas Republika Blg. 11502. Tema ng pagdiriwang ngayong taon ay ang “Cooperatives: Stronger Together Today for a Brighter Tomorrow.”