Inaksyunan agad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang panawagang pagsaklolo ng humigit-kumulang 8,100 Imuseñong labis na naapektuhan bunsod ng pananalasa ng Bagyong Kristine noong Oktubre 24, 2024. Hinatiran din ang mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa Barcelona 1 Covered Court, Cayetano Topacio Elementary School, Tinabunan Elementary School, Toclong I-A Covered Court, at Toclong I-C Covered Court ng relief goods at gamot para sa mga lumusong sa baha. Agaran ding nilinis ng Engineering Action Team at ng Bantay Kalikasan ang mga kalsadang nabalot ng putik, at hinukay ang mga daanan ng tubig. Bago pa man ang pananalasa ng naturang bagyo, puspusan na rin ang naging mga paghahanda ng Pamahalaang Lungsod mula sa mga pagpupulong hanggang sa pagsasagawa ng mga clearing at dredging operation sa iba’t ibang barangay sa Imus.