Dumagundong ang Imus City Plaza sa naggagandahang tinig ng mga Imuseñong mang-aawit sa “Tanghalan ng Kampeon: Ating Awit, Angat sa Tinig” nitong Oktubre 11, 2024, kasabay ng bisperas ng Kapistahan ni Nana Pilar. Mula sa siyam na mang-aawit, pinatunayan ni John Carlo Sunga ang husay sa pag-awit ng mga residente ng Cluster 9 nang makamit ang kampeonato at ang P12,000 papremyo. Wagi rin si Krezia Toñaco ng Cluster 7 na mapanalunan ang ikalawang puwesto at ang P10,000, habang tagumpay naman si Jericho Dela Cruz na makuha ang ikatlong puwesto at ang P7,000. Samantala, muling namanata sina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula at Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa ika-44 na Karakol ng Bayan sa kanilang pagbubuhat ng andas ni Nana Pilar. Dumalo rin sila sa banal na misa sa mismong araw ng kapistahan kasama ang kanilang pamilya. Muli ring nagbukas ang ImuSarap at Saya Food Bazaar noong Oktubre 9–10, 2024, kung saan itinampok ang mga malinamnam na pagkaing hatid ng mga Imuseño sa kanilang mga kapwa Imuseño. Ang Kapistahan ni Nuestra Señora del Pilar ang isa sa mga pinakaaabangang mahalagang pagdiriwang ng mga debotong Imuseño dahil si Nana Pilar ang patrona ng Diyosesis ng Imus. Bilang bahagi ng kanilang pananampalataya at pasasalamat, taunang lumalahok ang mga Imuseño sa karakol, banal na misa, prusisyon, luwa at salve, at sa pahalik sa imahe ng Birheng del Pilar.