Opisyal nang binuksan sa publiko noong Oktubre 7, 2024, ang City of Imus Diagnostic Laboratory (CIDL) na kinikilala bilang kauna-unahang free-standing government-owned tertiary laboratory sa CALABARZON dahil sa microbiology section nito. Ayon kay Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ang pagbubukas ng naturang laboratoryo ay hudyat din ng pagbubukas ng libre at abot-kayang halaga ng laboratory tests. Maaaring mapakinabangan ng mga Imuseñong rehistrado sa PhilHealth Konsulta Package ang hematology, clinical chemistry, clinical microscopy, immunology at serology, molecular pathology, at drug screening. Para sa pagpaparehistro at konsultasyon, bisitahin ang alinman sa mga accredited City Health Office (CHO): CHO-I (Velarde), CHO-II (Plaridel), CHO-III (Greengate), at CHO-IV (Maharlika). Pagdating sa pagsasagawa ng laboratory test, kinakailangang maipakita ang valid government ID, PhilHealth ID, Laboratory Request Form na ibibigay ng Konsulta provider, at Electronic Konsulta Availment Slip (eKAS). Kukumpirmahin ang mga ito ng medical technician bago kuhanan ng sample specimen ang pasyente. Ang mga resulta ay direktang ipapasa sa health center kung saan unang nagpatingin ang pasyente. Kukuhain ito ng pasyente at ibibigay sa doktor para masuri ang mga susunod na hakbang sa gamutan. Kasabay nito, limang bagong motorsiklo rin ang binasbasan upang magamit sa transportasyon ng mga specimen na manggagaling sa iba’t ibang city health center patungong CIDL. Ang CIDL, dating Imus Molecular Laboratory, ay itinatag noong kasagsagan ng pandemyang dulot ng COVID-19. Matatagpuan ito sa Ospital ng Imus Compound, Pedro Reyes St., Brgy. Malagasang I-G. Bukas ito tuwing Lunes hanggang Biyernes mula ala-7 ng umaga hanggang ala-5 ng hapon. Bukas din ito tuwing Sabado mula ala-7 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon.