City of Imus

146 kabataang atletang Imuseño kinilala sa Dunong at Lakas Awarding Ceremony



September 21



Binigyang-pugay ng Pamahalaang Lungsod ng Imus noong Setyembre 21, 2024, sa Function Hall, New Imus City Government Center ang galing at pagsusumikap ng 146 na kabataang atletang Imuseñong lumahok sa 2024 Regional Athletic Association Meet (RAAM) at Palarong Pambansa 2024.

Kabilang sa mga ginawaran ay ang mga atletang nagwagi sa Palarong Pambansa na sina Jonalyn Halasan, Mary Angelie Bacojo, Marc Zayrus Lazarte, Larievinz Sidon, Zia Noele Ranjo, Anisha Eunice Caluya, Ysabella Jean Alcazar, Athena Hababag, Rodel Tamayo, at Ames Brendon Merced.

Personal ding nagbigay-pagbati sina Imus City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Konsehal Dennis Lacson, Sangguniang Kabataan Federation President Glian Ilagan, dating Konsehal Tito Monzon, Chief of Staff Allen Atienza bilang kinatawan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, at Special Assistant to the Mayor Jeff Purisima bilang kinatawan ni Imus City Mayor Alex “AA” L. Advincula.

Ang bawat atleta ay nakatanggap ng sertipiko at cash incentives batay sa kanilang mga napanalunan sa mga nasabing paligsahan.

Ayon sa City Ordinance No. 03-114, taong 2018, ang bawat atletang nagkamit ng parangal sa mga pambansang kumpetisyon ay makatatanggap ng P2,000 o P6,000 para sa tansong parangal, P4,000 o P10,000 para sa pilak na parangal, at P6,000 o P20,000 para sa gintong parangal.

Samantala, ang mga nakasungkit ng gantimpala sa mga kumpetisyong rehiyonal ay gagawaran ng P1,000 o 3,000 para sa tansong parangal, P2,000 o P5,000 para sa pilak na parangal, at P3,000 o P10,000 para sa gintong parangal.

Idinaos ang 2024 RAAM nooong Abril 1–10, 2024 at ang Palarong Pambansa 2024 noong Hulyo 9–16, 2024.

Patuloy na naniniwala ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa galing at husay ng mga atletang Imuseño.