Sa ikalimang taon, idinaos ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Nanay na Imuseño, Hakab na! A Simultaneous Latch On Activity nitong Agosto 24, 2024, sa City of Imus Children and Youth Center bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng National Breastfeeding Awareness Month na may temang “Closing the Gap: Breastfeeding Support for All.” Natutunan ng 186 na nanay ang kahalagahan ng pagpapasuso sa mga sanggol tungo sa kanilang malusog na pangangatawan. Sabay-sabay ring nagpasuso ang 115 nanay sa ginanap na Big Latch On Activity upang mahikayat ang mga ito na makita ang pagpapasuso ng sanggol bilang isang normal na gawain. Binigyang-diin ni Nutritionist-Dietitian II Liberty Guzman ng Provincial Health Office ang importansya ng pagpapasuso, habang iwinasto ni Nutritionist-Dietitian II Rose Alcala ng Department of Health Cavite ang mga maling paniniwala kaugnay ng pagpapasuso. Ibinahagi naman nina Nina Atienza, founding administrator ng isang breastfeeding advocate group na South PiNanays, at Iris de Sagun ang kanilang mga pinagdaanan sa pagpapasuso ng kani-kanilang mga anak. Nagbigay-suporta rin sa programa sina Konsehal Yen Saquilayan na ngayon ay nagdadalang- tao rin, Konsehal Enzo Asistio, Special Assistant to the Mayor Jeff Purisima bilang kinatawan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Dr. Gelyn Golamco, at City Dentist Dr. Dong Parnala. Ang Nanay na Imuseño, Hakab na! A Simultaneous Latch On Activity ay pinangunahan ng Imus City Health Office – Nutrition at ng Local Council for the Protection of Children.