Matagumpay ang pagkatutong bumasa ng 60 batang Imuseño sa kanilang pagtatapos sa Tayo Na’t Magbasa! A Library Reading Program for Struggling Learners ng Pampublikong Aklatan ng Lungsod ng Imus noong Agosto 8, 2024, sa Function Hall, New Imus City Government Center. Ang mga bata ay ginawaran ng sertipiko ng pakikilahok, gift check na nagkakahalaga ng P500 mula kay Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Glian Ilagan, at 20 token mula sa Tom’s World. Personal din silang binigyang-papuri nina City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, SK President Glian Ilagan, City Librarian Rosena Roman, at nina Tom at Joy ng Tom’s World. Sa tulong ng 97 SK Council mula sa iba't ibang barangay at mga guro mula sa iba't ibang pampublikong paaralan sa Imus, sumailalim sa tatlong linggong pagbabasa mula Hulyo 1–18, 2024, ang mga lumahok na bata. Ipinaaabot din ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang pasasalamat sa mga guro na sina Annalyn Espiritu ng Bukandala Elementary School, Wendy Tajantajan ng Alapan I Elementary School, Mary Ann Ramos ng Malagasang II Elementary School, at Sheryll Nalangan ng Malagasang I Elementary School. Taunang isinasagawa ng Pampublikong Aklatan ng Lungsod ng Imus ang Tayo Na’t Magbasa! A Library Reading Program for Struggling Learners para matulungan ang mga batang hirap bumasa.