Muling itinanghal na kampeon ang Cluster 5 sa men’s division at Cluster 9 sa women’s division sa ikalawang taon ng Congressman AJ Cup Inter-Cluster Volleyball Tournament nitong Agosto 3, 2024, na ginanap sa City of Imus Sports Complex. Sa men’s division, nanaig ang lakas ng Cluster 5 nang makuha nito ang kampeonato kontra Cluster 6 sa puntos na 3-2. Hinirang na first runner-up ang Cluster 6. Nagtagisan din ang Cluster 1 at Cluster 7, kung saan naiuwi ng Cluster 1 ang second runner-up at ng Cluster 7, ang third runner-up sa puntos na 3-1. Para naman sa women’s division, matagumpay na inilaban ng Cluster 9 ang kampeonato sa puntos na 3-1 laban sa Cluster 2 na hinirang bilang first runner-up. Iginawad naman sa Cluster 6 ang second runner-up matapos harapin ang Cluster 8 na nasa third runner-up sa puntos na 3- 2. Hinirang na Finals Most Valuable Player (MVP) sina Ivan Dela Cruz ng Cluster 5 at Carrelle Carreon ng Cluster 9. Season MVP naman sina Audie Hidalgo ng Cluster 6 at Erica Bodonal ng Cluster 2. Best Libero sina Jules Lunar ng Cluster 6 at Kyla Elava ng Cluster 9, Best Setter sina Audie Hidalgo ng Cluster 6 at Carelle Carreon ng Cluster 9, habang Best Opposite Hitter sina Nicko Castillo ng Cluster 7 at Elizha Sildo ng Cluster 2. Samantala, ginawaran bilang First Best Outside Hitter sina Ivan Dela Cruz ng Cluster 5 at Erica Bodonal ng Cluster 2, Second Best Outside Hitter sina RD Puentespina ng Cluster 1 at Michele Busa ng Cluster 9, First Best Middle Blocker sina Tristan Allam ng Cluster 6 at Lovely Zapf ng Cluster 9, at Second Best Middle Blocker sina Christian Olaes ng Cluster 5 at Almira Luces ng Cluster 2. Ang bawat kampeon ay nakatanggap ng P200,000; P100,000 naman para sa first runner-up; P75,000 para sa second runner-up; at P30,000 para sa third runner-up. Pinarangalan din ng tig- P5,000 ang bawat Finals MVP at Season MVP. Hinandugan naman ng P10,000 ang bawat koponang hindi pinalad na makapasok sa finals. Dinaluhan din ito nina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, City Mayor Alex “AA” L. Advincula, City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, at ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus.