Sa ikalawang pagkakataon, pinatunayan ng Malagasang I ang kanilang galing sa basketball nang muling mapanalunan ang kampeonato sa Second Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament noong Agosto 2, 2024, sa City of Imus Sports Complex. Sa puntos na 91-56, naiuwi rin ng Malagasang I ang cash prize na P200,000 habang natanggap ng Alapan I ang ikalawang puwesto at ang P175,000. Nasungkit naman ng Bahayang Pag-asa ang ikatlong puwesto at ang P100,000 sa puntos na 106-98 kontra Buhay na Tubig na nakapag-uwi ng P50,000 sa ikaapat na puwesto. Itinanghal na Finals at Season Most Valuable Player si Junjie Hallare ng Malagasang I na nakatanggap ng suma total P10,000 at bahagi rin ng mythical five. Kasama niya rin dito sina Kriss Kelly Gurtiza at Lester Oria ng Buhay na Tubig, Ronald Paul Bucoy ng Malagasang I, at Mhelmar Adrian Balowa ng Bahayang Pag-asa. Ang mga koponan namang hindi nakapasok sa final four ay nakatanggap ng tig-P10,000. Nasaksihan din nina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, City Mayor Alex “AA” L. Advincula, City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, at ilang miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus ang tagisan ng pinakamagagaling sa larong basketball. Bago matapos ang paligsahan, ipinahayag ni Mayor AA na magkakaroon ng malakihang pagkukumpuni sa City of Imus Sports Complex.