City of Imus

Mayor AA: Edukasyon ang susi sa kahirapan



July 19



Patuloy na naniniwala si City Mayor Alex “AA” L. Advincula na ang edukasyon ang susi sa kahirapan sa kaniyang mensahe sa kickoff ceremony ng Brigada Eskwela 2024 sa Lungsod ng Imus nitong Hulyo 19, 2024 na ginanap sa Alapan I Elementary School.

“[N]aniniwala po ang inyong alkalde, edukasyon ang susi sa kahirapan. Naniniwala po ako, dyan nag-uumpisa ang magagandang pangarap sa magandang edukasyon,” ani Mayor AA.

Sa kabila ng pagtaas ng kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan, batid niya ang kakulangan sa mga silid-aralan.

“[N]akita ko po na magagaling talaga ‘yung mga teachers natin sa public school. Ibang-iba na ngayon hindi tulad nu’ng araw . . . Although may kakulangan tayo sa silid aralan, kaya pag-upong-pag-upo ko po talaga, [pinilit] kong magkaroon ng mga bagong paaralan sa ating lungsod.” dagdag pa ng alkalde.

Katuwang si Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, tatlong malalaking pampublikong paaralan ang pasisinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus kasabay ng balik-eskwela.

“At ngayon po, ibabalita ko po sa ating mga kababayan, sa darating na pasukan, may tatlo po tayong malalaking eskwelahan na bubuksan sa ating lungsod ng Imus . . . Ang ating Congressman ang masipag na nanghihingi ng mga classroom. Kaya ‘yung bagong tatlong classroom na ‘to, halos lahat si Congressman AJ Advincula ang nanghingi sa national government ng pondo.” ulat ni Mayor AA.

Ang mga naturang pampublikong paaralan ay ang Francisca Tirona Benitez Integrated School sa Jade Subdivision, Brgy. Malagasang I-D, City of Imus Integrated School sa Greengate Homes, Brgy. Malagasang II-A, at Anastacio Advincula Integrated School sa Brgy. Maharlika.

Dagdag pa niya na patuloy ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na mapaganda pa at mapanumbalik ang pagtatanim ng mga binhi ng mga gulay sa mga pampublikong paaralan, partikular na sa Alapan I Elementary School.

“At sa susunod na taon, itong Alapan Elementary School na ‘to, magkakaroon po ng extension . . . para mas lumaki ang eskwelahan dito sa Alapan area . . . Ibalik natin sa agri, dito may potensyal ang Pilipinas. Kailangan marunong magtanim ang mga bata, hindi lang puro computer ang hinahawakan . . . magtanim sila para matuto silang magkaroon ng maayos na pagkain sa kanilang hapagkainan.”

Hangad din ni Mayor AA ang patuloy na pagmamahal ng mga Imuseño sa lungsod para sa magandang kinabukasan ng mga kabataan.

“Sana po ay patuloy nating mahalin ang ating pamayanan, na ating paaralan. Ang bawat gagawin natin ay tulong sa kinabukasan ng mga batang papasok at mag-aaral dito sa paaralang ito.”

Kaagapay rin sa pagsisimula ng Brigada Eskwela ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus na pinangungunahan ni City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan.