City of Imus

Ika-125 anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Virata ginunita



July 14



Ipinagdiwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus noong Hulyo 14, 2024 sa tahanan ng pamilya Virata sa Brgy. Medicion II-C ang paggunita sa ika-125 anibersaryo ng kapanganakan ni Dr. Enrique T. Virata, isang Imuseño at kilalang edukador, matematiko, at estadistiko.

Isang maiksing programa ang inihanda ng Imus City Tourism and Heritage Office (CTHO) bilang pag-alala sa kaniyang buhay at ang hindi matatawarang kontribusyon niya sa historya ng Pilipinas, higit sa larangan ng istatistika.

Ang pagdiriwang ay pinangunahan ng kaniyang anak na si dating Prime Minister of the Philippines at tagapangulo ng Cavite Historical Society, His Excellency Cesar E.A. Virata, na nagbahagi ng isang mensahe.

Nagbigay rin ng pambating pambungad si City Administrator Tito Monzon bilang kinatawan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, isang mensaheng pagbati naman and nagmula kay Shrine Curator II Ahzel Miral ng Museo ni Baldomero Aguinaldo, habang isinalaysay ni Konsehal Jelyn Maliksi ang talambuhay ni Dr. Virata.

Nagsagawa naman ng pag-aalay ng bulaklak ang Imus Philippine National Police sa pangunguna ni PLTCOL Louie Dionglay.

Nakasama rin dito sina Dr. Arlene Abella-Sauña, trustee ng Imus Historical Society, Konsehal Dennis Lacson, Imus CTHO Officer-in-Charge Dr. Jun Paredes, Pastor Conrado Perez ng Imus City Chaplain, at mga kaanak ni Dr. Virata.

Ipinanganak si Enrique Topacio Virata noong Hulyo 14, 1899, sa Imus, Cavite sa mga Imuseñong sina Luis Virata at Maria Salome Topacio. Nagtapos siya ng kursong Bachelor of Arts sa Unibersidad ng Pilipinas, Bachelor of Science sa Harvard University, at Ph.D. sa John Hopkins University.

Isa si Dr. Virata sa mga tagapagtatag ng Philippine Statistics Association noong 1952 at naging unang direktor ng Statistics Training Center sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1953. Pinarangalan din siya ng honorary degree na Doctor of Laws at UP Vice President Emeritus ng nasabing unibersidad na kumikilala sa kaniyang mga naiambag bilang propesor.

Pumanaw si Dr. Enrique T. Virata noong Hunyo 4, 1974, sa edad na 75 taon.