Ipinagdiwang ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang ika-12 anibersaryo ng pagiging lungsod nito sa pagkilala sa top 20 business taxpayers at top 20 real property taxpayers nitong Huwebes, Hunyo 27, 2024, sa New Imus City Government Center. Pinasinayaan ni Cavite Third District Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang selebrasyon sa pagbibigay-pugay sa mga makabuluhang kontribusyon ng mga gagawaran para sa kaunlaran ng Lungsod. “Kayo ang bumubuhay sa ekonomiya sa Lungsod ng Imus. You made the success of Imus today by the taxes you actively pay. Your contributions are the fuel that propels our City’s advancement and development,” batid ni Cong. AJ. Tiniyak din niya na ang bawat pisong kanilang ibinabayad ay may makabuluhang patutunguhan. Ayon pa sa kaniya, “Sisiguraduhin natin na ang buwis na kinokolekta ng pamahalaan ay nararamdaman ninyo, nakikita ninyo, at nagtatrabaho para sa inyo.” Nagbigay naman ng mensaheng pagsuporta at inspirasyon si City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan. Kinilala rin ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang walang-sawang suporta at tiwala ng mga taxpayer sa Pamahalaang Lungsod ng Imus upang maihatid ang mahusay na serbisyo, programa, at proyekto sa mga Imuseño. “Taos puso pong nagpapasalamat ang inyong lingkod . . . sa 40 po, lahat sa ating mga taxpayer . . . kayo po ang nagpapatakbo sa ating lungsod dahil sa ibinabayad ninyong taxes,” ani Mayor AA. Pinarangalan ang Liwayway Marketing Corporation bilang top business taxpayer. Kabilang din sa top 20 business taxpayers ang: PMFTC Inc. San Miguel Yamamura Packaging Corporation Ayala Land, Inc. Kareila Management Corporation Mercury Drug Corporation Magnolia Inc. Alfametro Marketing, Inc. Maynilad Water Services, Inc. Puregold Price Club, Inc. Robinsons Supermarket Corporation Fresh N Famous Foods Inc. Dearborn Motors Co., Inc. Golden Arches Development Corporation AllHome Corporation R.L. Abad Distribution Inc. Metro Pacific Tollways South Management Corporation Sanford Marketing Corporation WalterMart Supermarket Inc. Makati Development Corporation. Nanguna naman ang San Miguel Yamamura Packaging Corporation sa top 20 real property taxpayers. Bahagi rin dito ang: Ayala Land, Inc. Metro Pacific Tollways South Management Corporation Property Company of Friends, Inc. Chan C. Bros, Inc. Liwayway Marketing Corporation Smart Communications, Inc. Robinsons Land Corporation Manila Electric Company Garcia 55 Realty Corporation Maynilad Water Services, Inc. Lotus Central Mall Inc. Jacob C. Ng and Eileen Ng GT Capital Holdings Inc. Jacinto L. Ng and Anita Ng Sta. Lucia Realty & Development Corporation Puregold Price Club, Inc. Hengan Property Development Inc. Vicivi Development Corporation Masaito Development Corporation. Inilatag din ni Mayor AA ang ilan sa mga proyekto at programang naisakatuparan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa nagdaang taon gaya ng papalapit na pagbubukas ng tatlong malalaking pampublikong paaralan sa Imus, patuloy na pagpapaliwanag ng mga daan, at ang pagsugpo ng krimen sa lungsod. Nagtapos ang seremonya sa pagpapaabot ni Konsehal Mark Anthony Villanueva, Tagapangulo ng Komite ng Kalakalan, Komersiyo, at Industriya, ng mithiing tumibay pa ang samahan ng mga taxpayer at ng lokal na pamahalaan. Opisyal na naging lungsod ang Imus noong Hunyo 30, 2012, sa bisa ng Republic Act No. 10161. Ang administrasyong Advincula ay patuloy sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto para sa tuloy-tuloy na pag-unlad ng Lungsod ng Imus. “Umasa ho kayo, bilang alkalde ng Lungsod ng Imus, pahahalagahan ko ang bawat sentimo na ibinabayad ninyo sa ating lungsod dahil kailangang makatulong sa mga taong nangangailangan dito sa ating lungsod. Maraming salamat po sa patuloy na suportang ibinibigay ninyo sa ating lungsod,” saad ni Mayor AA.