Opisyal nang binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, ang 38-meter at 450-meter Buhay na Tubig – Tanzang Luma Bridge and Bypass Road nitong Hunyo 23, 2024. Ayon kay Mayor AA, bilang dating residente ng Tanzang Luma, naranasan niyang tumulay sa katakot-takot na tulay bitin noong siya ay bata pa lamang. Sa pagdaan ng panahon, batid niya na nanatili pa rin itong tulay bitin. “Noon pong edad ko[ng] limang taon, inoobliga po akong tumawid dito. Takot na takot akong tumawid sa tulay na ‘to . . . Pero dumaan ang panahon, umunlad ang ating lugar . . . Tulay bitin pa rin,” ani Mayor AA. Kaya’t katuwang ang pamilya Jaro, naging posible ang pagkongkreto ng naturang tulay. “Ito po [a]ng 38 meters na tulay at 450-meter na kalyeng magdurugtong sa Buhay na Tubig at tsaka Tanzang Luma . . . Sasamantalahin ko na rin po ang pagkakataong ito para pasalamatan ang pamilya Jaro. Sila po kasi ang may malaking na-contribute sa kalye na ‘to,” dagdag pa ng alkalde. Kasabay nito ay ang pormal na pagpapailaw ng mga streetlight sa kahabaan ng nasabing kalye, kaagapay naman ang tanggapan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula. Sa pagbubukas ng Buhay na Tubig – Tanzang Luma Bridge and Bypass Road, mas ligtas at mas malawak na ang daang tutulayin ng mga residente ng Buhay na Tubig at Tanzang Luma. Dumalo rin sa naturang blessing at ribbon cutting sina Board Member Shernan Jaro, Liga ng mga Barangay President Rey “RR” Ramirez, Kapitan Bienvenido Acuña ng Tanzang Luma V, mga konsehal, at mga kapitan.