Pride, freedom, diversity — ganito mailalarawan ang isang araw na pagdiriwang ng Pride Month ng Imuseño LGBTQIA+ community noong Hunyo 22, 2024, sa Imus City Plaza. Sa temang “#REAL: Reflect, Empower, Accept, Love,” iba’t ibang aktibidad ang nilahukan ng humigit-kumulang 300 LGBTQIA+ community at allies. Kabilang na rito ang Rainbow Fair, Painting of Pride Pedestrian, free HIV screening, at ang pinakahinihintay na SOGIE Night. Itinampok sa SOGIE Night ang makukulay at maririkit na drag performances nina Au Rora, Curvedilol, Santana, at Holemn Cheque, song performances nina The Clash finalist Fritzie Magpoc at Bakclash Grand Champion Echo, band performance ng Joana, at special performance mula sa Wear Ur Pride – Parade of Costumes contestants. Nagharap-harap din ang mga kandidato ng Tanzang Luma V Prettiest at mga tomboy mula sa mga non-government organization para sa Family Feud Pride Edition. Nakiisa rin sa pagdiriwang sina Cavite Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Chelsea Sarno, Konsehal Dennis Lacson, Konsehal Mark Villanueva, Imus SK Federation President Glian Ilagan, at City of Imus Youth Affairs Office (YAO) Officer-in-Charge Jericho Reyes. Ang ikalimang City of Imus Pride celebration ay pinangunahan ng City of Imus YAO sa pakikipagtulungan sa Rotaract Club of Imus at LGBT Pilipinas. Bahagi rin ng pagdiriwang ang #REAL Seminar at ang Laro ng Ikatlong Lahi noong Hunyo 15, 2024, sa Imus Youth Center, Imus Pilot Elementary School sa pagkikipagtulungan ng Imus SK Federation sa City of Imus YAO at Rotaract Club of Imus. Kalahok ang 220 LGBTQIA+ youth leaders, members, at allies, tinalakay nina Atty. Tricia Marie Barzaga ng Imus City Legal Office at Sustained Health Initiatives of the Philippines Inc. Regional Program Officer Symson Maquera sa #REALTalk ang mga nilalaman ng Safe Spaces Act at mga dapat gawin upang makaiwas sa HIV, maging ang mga suportang maaaring matanggap ng HIV patients. Tumibay pa ang samahan ng mga kalahok sa Laro ng Ikatlong Lahi, kung saan malaya silang nakasali sa mga palarong Pinoy nang walang panghuhusga. Nakisaya rin dito sina Konsehal Yen Saquilayan, Konsehal Enzo Asistio, at Imus SK Federation President Glian Ilagan. Ang Pride Month ay ipinagdiriwang tuwing Hunyo bilang paggunita sa mga pinagdaanan at patuloy na pinagdaraanan ng LGBTQIA+ community tungo sa pantay na karapatan sa lipunan.