Sa paggunita sa ika-126 na anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas, iba’t ibang aktibidad ang isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Imus noong Hunyo 11–12, 2024. Mapitagang seremonya ng pagsusunog sa pambansang watawat Isang araw bago ang Araw ng Kalayaan, idinaos ang taunang flag-burning ceremony noong Hunyo 11 sa Imus Heritage Park bilang pagbibigay-pugay sa anim na luma at sirang pambansang watawat. Batay sa Section 14 ng Republic Act No. 8491, o “Flag and Heraldic Code of the Philippines,” ang mga luma at sirang watawat ng Pilipinas ay dapat binibigyan ng mapitagang seremonya ng pagsusunog at hindi itinatapon lamang. Ang naturang seremonya ay pinangunahan ng Imus City Tourism and Heritage Office (CTHO), katuwang ang Imus City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) at ang Philippine National Police (PNP) Imus. Bahagi rin dito sina City Administrator Tito Monzon bilang kinatawan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Cavite Sangguniang Kabataan (SK) Federation President Chelsea Sarno, Konsehal Jelyn Maliksi, Imus SK Federation President Glian Ilagan, Schools Division Superintendent Dr. Homer Mendoza, Acting City Tourism Officer Dr. Emanuel Paredes, Local DRRM Officer Marisel Cayetano, at City Deputy Chaplain Ramil Ilano. Nagtapos ang programa sa paglilibing sa urna ng pambansang watawat. Sabayang pagtataas ng watawat ng Pilipinas Nakiisa ang Pamahalaang Lungsod ng Imus sa sabayang pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa iba’t ibang lugar sa bansa noong umaga ng Hunyo 12, araw ng paggunita sa ika-126 na anibersaryo ng Araw ng Kalayaan, na ginanap sa Dambana ng Pambansang Watawat, Imus Heritage Park. Naging bahagi rito sina City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Cavite SK Federation President Chelsea Sarno, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus, PNP Imus sa pangunguna ni PLTCOL Louie Dionglay, at department at unit heads. Ang naturang sabayang pagtataas ng watawat ng Pilipinas ay pinamunuan ng Imus CTHO. Parada ng Kalayaan Pinangunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang pakikibahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Imus sa Parada ng Kalayaan 2024 na pinangasiwaan ng National Historical Commission of the Philippines noong hapon ng Hunyo 12 sa Quirino Grandstand. Nakasama ng alkalde sina Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Cavite SK Federation President Chelsea Sarno, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus, at mga kawani ng Imus CTHO. Tampok sa naturang parada ang 22 karosang inilarawan ang mga makasaysayang kaganapang naging sanhi upang makamtan ng Pilipinas ang kalayaang hinahangad nito mula sa mga mananakop na Kastila. Kabilang din dito ang 10 orihinal na gabinete ng pamahalaan at ang mga kasalukuyang ahensiyang katumbas ng mga ito. Binigyang-pugay rin nito ang mga sandatahan ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang military parade. Nagtapos ang nasabing parada sa isang fireworks display. Idineklara ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898, matapos ang 333 taong pananakop ng España sa Pilipinas.