Nasapul ng Imus AJAA Sluggers ang kampeonato at ang cash prize na P180,000 sa First AJAA Invitational Softball Tournament sa puntos na 9–1 na ginanap noong Hunyo 9, 2024, sa City of Imus Grandstand and Track Oval. Natanggap naman ng Batang GenTri ang P150,000 premyo matapos hiranging first runner-up. Sa laban para sa ikatlong puwesto noong Hunyo 2, nasungkit ng UnlaDCavite City ang second runner-up at ang P100,000 sa puntos na 3-2 kontra Dasmariñas Monarch, kung saan inuwi ng nasabing koponan ang P75,000. Bilang pagkilala sa kasipagan at pagsusumikap ng lima pang koponan, ginawaran ng P50,000 ang mga koponan na Bacoor Strikers, Batang Alfonso, Tanza Mariners, Trece the Martyrs, at Unlad Noveleta. Pinarangalan din ang mga kahanga-hangang manlalaro tulad ni Bacarisas ng Imus AJAA Sluggers na hinirang bilang Season Most Valuable Player (MVP), Best Hitter, Best Slugger, Most Home Run, at Most Run Batted In. Kabilang din sa mga ginawaran ay sina Liguayan ng Imus AJAA Sluggers bilang Finals MVP, Ventura ng Batang GenTri bilang Best Stolen Bases, at Roxas ng Imus AJAA Sluggers bilang Best Pitcher. Ipinaabot din ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula ang kaniyang pasasalamat at paghanga sa bawat lungsod at munisipalidad na nakilahok at nagbahagi ng talento sa naturang paligsahan. “Nais ko pong magpasalamat sa [mga] bayang nakisama at nakiisa sa ligang ito . . . Nakita namin ang inyong sportsmanship ay napakagaling . . . Nakikita po natin na puwede tayong lumaban sa buong mundo. Dito po tayo makakasabay, hindi po kailangan ng height, ang kailangan lang po ay sigla, liksi, at sipag nang [sa] gayon ay maging tanyag [tayo] sa mundo,” pahayag ni Mayor AA. Personal ding binati nina Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, Cavite Sangguniang Kabataan Federation President Chelsea Sarno, at mga konsehal ang mga koponan. Matatandaang nag-umpisa ang First AJAA Invitational Softball Tournament noong Mayo 4, 2024.