Matagumpay na nagsipagtapos ang 16 na mag-aaral ng Farmers’ Field School on Urban Gardening ng City Agriculturist’s Office nitong Mayo 29, 2024, na ginanap sa Wellness Center ng New Imus City Government Center. Personal na binigyang-pagbati nina Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan at Konsehal Totie Ropeta — tagapangulo ng Komite ng Agrikultura at Kabuhayan at Repormang Pansakahan — ang mga nagsipagtapos. Nakatanggap din ang mga ito ng electric fan mula kay City Mayor Alex “AA” L. Advincula. Matatandaang inilunsad ang Farmers’ Field School noong Marso 7, 2024, na may layuning maituro sa mga magsasaka at may interes sa pagtatanim ng gulay at prutas ang mga kaalaman patungkol sa urban gardening. Ilan sa mga natutunan ng mag-aaral ang mga dapat paghandaan sa pagtatanim, transplanting, agro-ecosystem analysis, mga kinakailangang gawin para sa kalusugan ng mga tanim, Simple Nutrient Addition Program (SNAP) Hydroponics, pest control, paggawa ng organic fertilizer, bookkeeping, pag-ani, at urban gardening plan and layout.