Ginanap ang groundbreaking ceremony ng itatayong mid-rise condominium housing project sa
Imus nitong Mayo 28, 2024, malapit sa New Imus City Government Center sa pangunguna nina
City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, at Congressman
Adrian Jay “AJ” C. Advincula, kasama sina Department of Human Settlements and Urban
Development Secretary Jose Rizalino Acuzar, Megawide Construction Corporation CEO at PH1
World Developers (PH1WD) Chairman at CEO Edgar Saavedra, at PH1WD President Gigi
Alcantara.
Ayon kay Mayor AA, ang pag-uumpisa ng naturang housing project ay ang katuparan sa hiling
ng kaniyang administrasyon at ng mga Imuseñong magkaroon ng maayos na tahanan.
“Ito na po yung katuparan, ito na po yung hinihiling natin… [P]inangako natin sa ating mga
kababayang mahihirap na magkakaroon sila ng marangal, maayos, at ligtas na pamayanan. At
dito mismo sa site na ‘to, itatayo ang kanilang pangarap sa kanilang magandang pamilya.”
Sa ilalim ng programang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) ng pamahalaan
tinatayang nasa 1,100 pamilya ang kayang mabigyan ng bagong bahay na itatayo sa 1.3
ektaryang lupain.