City of Imus

NHCP, Imus ginunita ang Pambansang Araw ng Watawat at Ika-126 na Anibersaryo ng Labanan sa Alapan



May 28



Naging espesyal ang pagdiriwang ng Pambansang Araw ng Watawat at ng ika-126 na Anibersaryo ng Labanan sa Alapan nang pangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang paghawi sa tabing ng Bantayog ng Labanan sa Alapan ngayong Martes, Mayo 28, 2024, sa Alapan Rotonda, Brgy. Alapan II-B.

Nasaksihan ng mga opisyal ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa pangunguna ni Executive Director Carminda Arevalo at ng lokal na pamahalaan ang pagbabasbas at ang pagbabahagi ni Mattius B. Garcia, isang realismong sosyalistang manlilikha at iskultor, ang kanyang inspirasyon sa paglikha ng naturang bantayog.

Inilahad din ang lokal na marker ng monumento na sinundan ng isang maiksing parada patungo sa Dambana ng Pambansang Watawat, Imus Heritage Park, kung saan pinangasiwaan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng mga opisyal ng lungsod ang sabayang pagtataas ng watawat ng Pilipinas. Pinangunahan naman ni Konsehal Atty. Wency Lara ang Panunumpa sa Watawat.

Sa pangunguna ni NHCP Chairperson Lisa Guerrero Nakpil, isinagawa ang pag-aalay ng bulaklak kay Inang Laya kasama ang AFP at sina Cavite Third District Representative Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, City Mayor Alex “AA” L. Advincula, at City Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan.

Naging mainit din ang pagtanggap ni Cong. AJ sa panauhing pandangal na si NHCP Chairperson Guerro Nakpil. Ibinahagi ng tagapangulo ng ahensya ang kaniyang kahanga- hangang kaalaman tungkol sa kasaysayan bilang isang tanyag na pampublikong mananalaysay, kurador, at manunulat.

Iginawad naman ni Mayor AA sa tagapangulo ng komisyong pangkasaysayan ang “Key to the City of Imus” kasabay ng pag-awit ng Department of Human Settlements and Urban Development Harmonic Voices.

Batay sa Presidential Proclamation No. 374, taong 1965, ang Mayo 28 ay National Flag Day upang alalahanin at bigyang-pugay ang kagitingan ng mga Pilipinong nakipaglaban at nakamit ang tagumpay laban sa mga Kastila noong Mayo 28, 1898, sa Labanan sa Alapan na naging mitsa upang tuluyang makamtan ang Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898.

Ang selebrasyon ay naging hudyat din ng pagsisimula ng mga Pambansang Araw ng Watawat mula Mayo 28 – Hunyo 12, 2024, na may temang “Kalayaan. Kinabukasan. Kasaysayan,” alinsunod sa Executive Order No. 179, taong 1994.

Ipinahayag din ng NHCP na unang ibinandera ni Hen. Emilio Aguinaldo ang kinikilalang Pambansang Watawat noong hapon ng Mayo 28, 1898, matapos ang matagumpay na laban ng puwersang Pilipino sa Labanan sa Alapan.