Sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula, kaagapay ang City Agriculture Services Office (CASO), isinagawa ang ceremonial planting ng iba’t ibang pananim sa Demonstration Farm and Plant Propagation Area, Brgy. Malagasang I-G noong ika-13 ng Setyembre. “Suwerte ang Pilipinas, ang Imus, dahil ang ganda-ganda ng lupang ibinigay sa atin. Pero bilang gobyerno, nandito tayo para sumuporta at tumulong,” ani Mayor AA. Ibinahagi rin ng Punong Lungsod na ang pagsasaka ay malaking parte ng kaniyang kabataan dahil sa kaniyang mga magulang. Ipinagpatuloy niya ito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang maliit na taniman ng mga gulay. Ang programa ay dinaluhan din nina City Vice Mayor Homer “Saki” Saquilayan, mga konsehal Lloyd Jaro, Totie Ropeta—Committee Chair on Agriculture and Livelihood—at Darwin Remulla, Liga ng mga Barangay President David Sapitan Jr., Sangguniang Kabataan President Joshua Guinto, Chief of Staff Tito Monzon, at department heads ng Pamahalaang Lungsod. Sa pamamagitan nito, mas maipapakilala ang mga programang makatutulong sa food production at magpapalawig sa urban gardening. Layunin din ng CASO na matutunan ng mga Imuseño ang good agricultural practices at eco-friendly farming techniques upang maging bahagi ng solusyon sa nararanasang climate crisis. Hinikayat niya rin ang mga kapwa lingkod bayan na samahan siya sa pagtataguyod ng mga programang pang-agrikultura sa Imus. “Hindi dapat magugutom ang Pilipino. Palalakasin natin ang programang ito para hindi magutom ang ating mga kababayan,“ saad ni Mayor AA.