Pormal nang binuksan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula ang Second
Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball Tournament nitong Mayo 25, 2024, sa
City of Imus Sports Complex, kung saan maglalaban-laban ang 20 koponan mula sa iba’t ibang
barangay sa lungsod.
Kaagapay rito ang Kings of the Court, Imus City Sports Development Unit, at ang buong
Pamahalaang Lungsod ng Imus na pinangungunahan ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula.
Sa kaniyang pagbati, pinaalalahanan ni Cong. AJ ang mga manlalaro na huwag magkasakitan
dahil isa itong friendly basketball tournament.
“Alam kong pisikal ang basketball pero ayaw kong nagkakasakitan kayo. Ingatan natin ang ating
mga kakampi, at ingatan din natin ang ating mga kalaban,” pahayag ng kongresista.
Inilahad din ni Cong. AJ na doble ang premyong matatanggap ng mga magwawaging koponan
kumpara noong kauna-unahang AJ Cup Basketball Tournament. Makatatanggap ng P200,000
ang hihiranging kampeon, P175,000 ang makasusungkit sa ikalawang puwesto, at P100,000
ang makapapasok sa ikatlong puwesto.
Bago ang opisyal na pagsisimula, nagpaligsahan ang mga muse ng mga koponan. Tagumpay
ang Palico na makuha ang titulong Best Muse at ang cash prize na P10,000.
Buena mano ring nanalo ang Palico sa puntos na 87-72 kontra Poblacion para sa first game,
habang wagi ang Malagasang 1 st sa puntos na 70-63 laban sa Buhay na Tubig para sa second
game.
Saksi rin sa pagsisimula ng nasabing liga sina Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan at mga
konsehal.
Ito na ang ikalawang taon ng Congressman AJ Cup Inter-Mother Barangay Basketball
Tournament.