Inilunsad ng Department of Health (DOH)–Center for Health Development (CHD) Calabarzon ang First Regional Buntis Summit nitong Mayo 24, 2024, sa City of Imus Sports Complex bilang pagdiriwang sa “Safe Motherhood Week.” Layon nitong matiyak ang ligtas na pagbubuntis ng mga kababaihan sa pamamagitan ng komprehensibong pagsusuri at edukasyon sa kalusugan. Naging kaagapay rito ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cavite, Pamahalaang Lungsod ng Imus, ABS-CBN Lingkod Kapamilya, at Safe Motherhood Calabarzon. Bukod sa libreng konsultasyon, laboratory screening, at ultrasound, sentro ng Buntis Summit ang maipaalam sa humigit-kumulang 200 buntis kung ano ang kanilang dapat gawin sa unang tatlong buwan ng pagbubuntis. Nakatanggap din ang mga ito ng maternity at newborn kits. Nagbahagi naman ng kanilang kaalaman ang mga doktor mula sa DOH–CHD, Cavite Provincial Health Office, Imus City Health Office, at Ospital ng Imus. Nakasama rin sa naturang buntis summit sina Chief of Local Health Support Division Dr. Ma. Elena G. Castillo–Gonzales ng DOH–CHD, Development Management Officer V Dr. Ronaldo Calingasan ng Provincial DOH Office–Cavite, Cavite Provincial Health Officer II Dr. Nonie John Dalisay, at Imus City Health Officer Dr. Ferdinand Mina. Ipinaabot naman ni Special Assistant to the Mayor Jeff Purisima ang pagsuporta ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula sa mga programang nagsusulong sa kaligtasan ng mga ina at kanilang anak. Sa bisa ng Proklamasyon Blg. 200, taong 2002, ang ikalawang linggo ng Mayo kada taon ay kinikilala bilang “Safe Motherhood Week” na layong maiwasan ang pagtaas at maibaba ang bilang ng mga nanay at sanggol na namamatay kaugnay ng pagbubuntis at panganganak.