Isinagawa ng Imus City Health Office, katuwang ang Imus Reproductive and Wellness Center, ang isang candlelight memorial nitong Mayo 24, 2024, sa City of Imus Sports Complex para sa pag-alaala sa mga namayapa dahil sa sakit na AIDS at upang maitaas ang kamalayan at maitama ang maling impormasyon ukol sa naturang sakit at sa HIV. Gamit ang mga kandila, bumuo ng human ribbon ang humigit-kumulang 200 kataong sumusuporta at apektado ng sakit na AIDS at HIV. Nagbahagi rin ng mensahe sina Regional Project Officer Symson Maquera ng Sustained Health Initiatives of the Philippines, Provincial HIV/AIDS Coordinator Haydelisa Maderazo, Imus City Health Officer Dr. Ferdinand Mina, at SAIL Cavite Clinic Manager Joseph Allomar Angam. Nagbigay-inspirasyon naman ang HIV patient na si Joe Carl Miking sa mga tulad niyang nagpapagaling mula sa nasabing sakit. Nakasama rin dito sina Dr. Keith Alexius Wangkay at Julienne Christine Aurellado, RN mula sa Department of Health Calabarzon, City Social Welfare and Development Officer-in-charge Josephine Villanueva, RSW, at Registered Social Worker Bienvenido Juan Bondoc. Ang sakit na HIV o human immunodeficiency virus ay may lunas at hindi agarang naipapasa sa iba. Malimit itong naipapasa sa pamamagitan ng pakikipagtalik nang walang proteksyon — hindi pagsusuot ng condom o hindi pag-inom ng HIV medicine para maiwasan ito — o paggamit ng gamit nang injection. Humahantong lamang sa AIDS o acquired immunodeficiency syndrome ang HIV kapag hindi ito naagapan. Kaya’t hinihikayat ng pamahalaan ang publiko na regular na sumailalim sa HIV screening para maagapan ang sakit na ito. Idinaraos tuwing ikatlong Linggo ng Mayo ang International AIDS Candlelight Memorial.