Opisyal na binuksan ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang kauna-unahang parke para sa lahat ng mga Imuseño, higit sa mga senior citizen, sa pagbabasbas ng Juan Munti Park: Munting Paraiso nitong Mayo 20, 2024, na matatagpuan sa Tahimik St., Brgy. Toclong I-A. Tampok sa 2,260 squared-meter na parke ang exercising area para sa 20 senior citizens, palaruan ng mga bata — kabilang na ang slides, see-saw, spring riders, at swings — picnic area para sa 30 katao, activity area para sa mga alagang hayop, palikuran, at apat na parking spaces. Pinangunahan ni City Mayor Alex “AA" L. Advincula ang pagpapasinaya sa parke na isa sa kaniyang mga imprastrakturang inisyatiba, habang buong suporta ang ibinigay rito ni Congressman Adrian Jay “AJ" C. Advincula. Bahagi rin ng inagurasyon ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus sa pangunguna ni City Vice Mayor Homer “Saki" T. Saquilayan. Ipinahayag naman nina City of Imus – Office of the Senior Citizens Affairs Officer-in-Charge (OIC) Luzviminda Elbinias at Imus City Tourism and Heritage Office OIC Dr. Jun Paredes ang kanilang mithiing maging tulay ang parke sa pagpapatibay ng komunidad. Dinaluhan din ito ng iba pang department at unit heads ng Pamahalaang Lungsod ng Imus at mga kapitan ng mga barangay sa Toclong. Ang Juan Munti Park ay ipinangalan kay Juan “Munti" Villanueva, isang rebolusyonaryong Imuseño na nakipaglaban sa Himagsikang Pilipino noong 1897 at pumanaw sa edad na 11. Hangad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus na mabigyang-pugay ang ipinamalas na katapangan at pagmamahal sa bayan ni Juan “Munti” sa kabila ng kaniyang murang edad, gayon din ang pag-alaala sa kaniyang naging buhay sa Toclong. Bukas ang Juan Munti Park araw-araw mula ikaanim ng umaga hanggang ikasiyam ng gabi.