Pormal na binuksan ni Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, kaagapay si City Mayor Alex “AA” L. Advincula, ang Aksyon Center – Extension Office noong Mayo 13, 2024, sa Old Imus City Hall Bldg., Brgy. Poblacion IV-C. Layon nitong mas mailapit sa mga Imuseño ang kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng tulong medikal, pinansyal, at pampalibing sa pamamagitan ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development, pagbibigay ng guarantee letters para sa pagpapaospital, at laboratory tests. Matatagpuan din dito ang “Wish Cong Lang” drop box para maipaabot ng mga Imuseñong kapos-palad ang kanilang mga kahilingan kay Cong. AJ. Sa kaniyang talumpati, inilahad ng kongresista na ayon sa mga isinagawang pag-aaral ng kaniyang tanggapan at ng tanggapan ni Mayor AA, napag-alaman nilang mayroong mga barangay sa Imus na kailangan pang pagtuunan ng pansin. “May mga ginawang pag-aaral. May mga survey na ginawa. At dito sa survey na ‘to, napansin namin ni Mayor na may mga hindi kami nabibigyang-pansin, o mas napapansin namin ‘yong mas malapit doon sa city hall,” ipinahayag ni Cong. AJ. Kaya’t isa ang extension office ng Aksyon Center na nakalaan para sa Clusters 2, 5, at 8 sa mga nakalatag nilang programa at proyekto kaugnay ng layuning ito. Dumalo rin sa isinagawang ribbon cutting at pagbabasbas ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Imus. “Huwag po tayong magsawang tumulong, mas masarap ang tumutulong kaysa sa tinutulungan . . . Sa dulo nito, lahat tayo ay aasenso at gagaan ang ating buhay,” ani Mayor AA.