City of Imus

Chikiting Ligtas 2024: Malawakang pagbabakuna kontra polio



May 3



Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Imus ang Chikiting Ligtas Immunization Campaign 2024 noong Mayo 3, 2024 sa City Health Office (CHO) 3 – Greengate na pinangunahan nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula, Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan at ng Imus CHO.

Sentro ng kampanya ang malawakang pagbabakuna ng Bivalent Oral Polio Vaccine (bOPV) sa buong bansa sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay ng mga barangay health worker upang mahikayat ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Bagama’t idineklarang polio-free ang Pilipinas noong 2021, mataas pa rin ang banta ng naturang sakit sa mga bata, ayon sa 2022–2023 risk assessment ng World Health Organization. Target ng malawakang pagbabakuna na 95% ng mga sanggol at batang edad 0–23 buwan ang makumpleto ang bakuna kontra polio, habang 95% ng mga batang edad 24–59 na buwan ang makatanggap ng isang dose ng bOPV.

Kaisa rin ang lokal na pamahalaan ng Imus sa panawagan ng Department of Health na kumpletuhin ng mga magulang ang mga kinakailangang bakuna ng mga bata upang magkaroon ang mga ito ng sapat na proteksyon mula sa vaccine-preventable diseases.

Magtatagal ang Chikiting Ligtas Immunization Campaign ngayong Hunyo 2024.