Naki-senti at nakipagrakrakan ang humigit-kumulang 55,000 katao sa “AAlab Imus Summer Music Fest 2024” na handog nina City Mayor Alex “AA” L. Advincula at Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, katuwang ang Pamahalaang Lungsod ng Imus, nitong Abril 27, 2024 sa City of Imus Grandstand and Track Oval. Sabay-sabay na kumanta ang mga Imuseño sa hugot songs gaya ng “Babalik Sa’yo” at “Paubaya” ng popular na singer-songwriter na si Moira Dela Torre at sa mga kantang pinasikat ng rock band na Kamikazee tulad ng “Narda” at “Doo Bi Doo.” Nakasama rin sa nag-iinit na gabi ang indie pop-rock band na I Belong to the Zoo, tampok ang mga awiting “Sana” at “Balang Araw,” pati na rin ang alternative rock band na Talata at rising band na FIONA. Sa pamamagitan ng video message, nagbigay-pagbati si Senador Bong Revilla, inilahad naman ni Cong. AJ na muling magkakaroon ng libreng concert sa Disyembre, habang pinasalamatan ni Mayor AA ang mga tao sa likod ng matagumpay na concert. Nakisaya rin si Vice Mayor Homer “Saki” T. Saquilayan, mga konsehal, at si Board Member Chelsea Sarno. Sa pagtatapos ng naturang music fest, inilunsad ng lokal na pamahalaan, sa pangunguna ng Imus City Environment and Natural Resources Office, ang proyektong Eco Bags upang maipaalala sa mga dumalong responsibilidad nilang panatilihing malinis ang kapaligiran dahil mahalagang “AngAt ang Kalinisan sa Imus.” Ang “AAlab Imus Summer Music Fest 2024” ay ang ikalawang summer concert at ikaapat sa mga idinaos na libreng concert nina Mayor AA at Cong. AJ.