City of Imus

Explore and Love Imus: Kauna-unahang Pupugayo Festival



April 27



Pumagaypay ang mga saranggola sa himpapawid ng Imus sa kauna-unahang Pupugayo Festival, may temang "Explore and Love Imus," ng Pamahalaang Lungsod ng Imus, sa pangunguna ni City Mayor Alex “AA” L. Advincula at ng City Tourism and Heritage Office (CTHO), na ginanap nitong Abril 27, 2024 sa Heritage Park, Alapan II-B.

Layunin nitong buhayin ang tradisyong pagpapalipad ng saranggola at ipagdiwang ang turismo, sining, kultura, at malusog na kompetisyon.

Nagsama-sama rito ang mga Imuseñong nagpamalas ng kanilang talento sa paggawa at sa pagpapalipad ng mga makukulay na saranggola.

Nahati sa dalawang kategorya ang kompetisyon: Pupugayo Flat Kite o Guryon traditional kite at 3D Figure Kite o 3D geometric-shaped kite.

Nakatanggap din ng mga papremyo ang mga natatanging saranggola gaya ng pinakamakulay, pinakamalaki, pinakamahaba, pinakamaingay, pinakamaliit, at pinakakakaibang saranggola.

Bukod sa kompetisyon, iba’t ibang aktibidad din ang inihatid ng Pupugayo Festival para sa buong pamilya. Ilan sa mga ito ay ang mga workshop sa paggawa at pagpapalipad ng saranggola para sa mga batang edad tatlo hanggang anim na taong gulang at food bazaar tampok ang mga pagkaing Imus.

Dinaluhan ito nina Congressman Adrian Jay “AJ” C. Advincula, Board Member Shernan Jaro, Konsehal Lloyd Jaro, Konsehal Jelyn Maliksi, Konsehal Darwin Remulla, Konsehal Sherwin-Lares Comia, Konsehal Enzo Asistio, Konsehal Igi-Revilla Ocampo, City Administrator Tito Monzon, at CTHO Officer-in-charge Dr. Jun Paredes.

Sa pamamagitan ng Pupugayo Festival: Explore and Love Imus, nasaksihan ng mga Imuseño ang hiwaga at ganda ng umaangat na Imus.